Alok ni ex-Gov. Chavit na P5M kay Caloy makipag-ayos lang sa ina, kumagat kaya?
- BULGAR
- Aug 22, 2024
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | August 22, 2024

MARAMING HUMANGA KAY EX-GOV. CHAVIT SINGSON DAHIL SA KAGUSTUHANG MAAYOS ANG SIGALOT SA PAMILYA YULO, HANDA SIYANG MAGBIGAY NG P5M KAY CALOY -- Marami ang humanga kay dating Ilocos Sur Gov. Chavit Singson nang sabihing bibigyan niya ng P5 million si 2-time gold medalist Carlos Yulo kapag nakipag-ayos ito sa kanyang pamilya, lalo na sa kanyang ina.
Ibig sabihin kaya may ganitong offer ang dating gobernador ay dahil nalulungkot siya sa nangyayaring sigalot sa pagitan nina Caloy at ng kanyang ina at buong pamilya.
Saludo ang mamamayan kay ex-Gov. Chavit kasi handa siyang maglabas ng sarili niyang pera, magbigay ng ganyan kalaking halaga (P5M) kay Caloy makita lang niya at ng sambayanang Pinoy na happy together ang gold medalist at pamilya nito, palakpakan naman diyan!
XXX
TANGING SI CALOY ANG MAKAKASOLUSYON SA PROBLEMA NIYA SA INA AT PAMILYA -- Ang tanging makakasolusyon upang wakasan na ang sigalot sa pamilya Yulo ay walang iba kundi mismong si Caloy.
Si Caloy kasi ang umiiwas sa pamilya niya, may post nga na ayon kay Atty. Raymond Fortun ay na-hack ang account niya tungkol sa palitan nila ng message ng ama ni Caloy na 20x daw tumawag ang erpat sa anak, pero ayaw daw sagutin ng gold medalist.
Kapag nagkasundo na uli sina Caloy at pamilya niya, masaya ito dahil iyan ang gustong makita ng mga Pilipino, na buo na uli sila, at tiyak isa sa masisiyahan ay si ex-Gov. Chavit kaya’t
‘yung mga biyayang natanggap ng gold medalist ay siguradong madadagdagan pa ng P5M, period!
XXX
TABLADO SI SEN. RISA SA MGA KAPWA SENADOR, MAS KINAMPIHAN SI VP SARA -- Hindi umubra ang pagharang ni Sen. Risa Hontiveros sa hinihinging P2.037 billion budget ng Office of the Vice President (OVP), kabilang dito ang P10 million budget para sa libro ni Vice Pres. Sara Duterte-Carpio na may titulong “Isang Kaibigan” dahil inaprub ito ng majority senators.
Hindi man aminin ay malamang naghihimutok si Sen. Risa kasi lumalabas na mas kinampihan ng mga kapwa niya senador si VP Sara kaysa kanya na isang senador din, boom!
XXX
APAT HANGGANG LIMA SA MGA MANOK NG MARCOS ADMIN SA PAGKA-SENADOR, MALALAGLAG SA ELECTION -- Inilabas na ng Marcos administration ang kanilang 12 Bagong Pilipinas senatorial candidates.
Sa 12 senatorial candidates na iyan ay tiyak may malalaglag o matatalo dahil sa partidong PDP na makakalaban nila sa senatorial election ay sure win si Sen. Bong Go, kapag kumandidato si ex-P-Duterte panalo rin ‘yan, kung tatakbong independent si Ben Tulfo ay sure win din ‘yan, malakas din si Dr. Willie Ong at posibleng may makalusot din sinuman kina ex-Sen. Kiko Pangilinan at ex-Sen. Bam Aquino.
Kaya posible, kundi apat ay lima ang malalaglag sa mga manok sa pagka-senador ng Marcos admin, at sinu-sino kaya sila, abangan!
Comentários