Alma, ayaw magpa-late, takot matalakan… DINA, KINATATAKUTAN NG MGA CO-STARS SA SERYE
- BULGAR

- Jan 15
- 3 min read
ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | Jan. 15, 2025
Photo: Dina Bonnevie - IG
Tumatak na sa showbiz na prangka at mataray si Dina Bonnevie. Kaya naman kapag kasama siya sa anumang serye, laging alerto ang kanyang mga co-stars. Iniiwasan nilang masampulan ng katarayan ni Ms. D.
Tulad na lang ni Alma Moreno na nakasama ni Dina sa isang serye. Natatawang kuwento ni Dina, 6 AM ang call time nila, pero si Alma, 4 AM pa lang ay nasa set na.
Alam kasi ni Alma na napaka-professional ni Dina, kaya inunahan na niya ito sa set.
Maging si Alice Dixson ay may naging experience rin kay Dina Bonnevie nang magkasama sila sa isang serye. Pinaghandaan daw nang husto ni Alice ang mga eksena nila, at na-star struck siya dahil kahit tapos na ang eksena ay in character pa rin si Dina.
Dati nang humanga si Alice kay Dina nang mapanood niya ito sa pelikulang Magdusa Ka (MK). But so far, hindi naman siya nakatikim ng pagtataray ni Dina.
Nang mapangasawa ni Dina si DV Savellano, maraming adjustment ang ginawa niya. Natuto siyang makisama sa lahat ng klase ng tao, humaba ang kanyang pasensiya, at mahinahon na siyang magsalita.
Kapag tumatanggap siya ng project na may pagka-kontrabida ang role, nakikiusap siya sa direktor na huwag masyadong “bad girl” ang karakter niya, lalo na kapag malapit na ang campaign season.
Ang yumaong mister ni Dina na si DV Savellano ay naging vice-mayor, governor ng Ilocos Sur, congressman ng 1st District ng Ilocos Sur, at huling naging Dept. of Agriculture undersecretary.
Noong magkasama sila sa afternoon soap na Prima Donnas (PD), umugong ang balitang may namumuong rivalry sa pagitan nina Jillian Ward at Sofia Pablo. May isyu raw sa dalawa, kaya hindi magkasundo.
Isa sa mga itinuturong dahilan ay ang isang young actor na pareho nilang nagugustuhan. Pero wala naman silang pag-amin tungkol dito.
Nang matapos ang PD, hindi na muling nagkasama sa serye sina Jillian at Sofia. Bumida si Jillian sa Abot-Kamay na Pangarap (AKNP) na tumagal ng dalawang taon. Ngayon ay bibida siyang muli sa My Ilongga Girl (MIG), at tatlo ang kanyang magiging leading men.
Si Sofia naman ay binigyan ng bagong serye, ang Prinsesa ng City Jail (PNCJ), kapareha si Allen Ansay.
Aminado si Sofia Pablo na hindi sila nagkakausap ni Jillian Ward nang matapos ang PD.
Kung tutuusin, wala naman silang issue dahil wala silang pinag-aawayan. Sadya lang magkaiba sila ng interes ni Jillian.
Kaya, nakikiusap si Sofia Pablo sa lahat na huwag silang pagsabungin ni Jillian. Wish niyang parehong maging maganda ang ratings ng kani-kanilang show sa GMA-7.
Sa totoo lang, marami ang naiinggit kay Beauty Gonzalez dahil nakapareha niya si Sen. Bong Revilla, Jr. sa action seryeng Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis (WMNPSMNM) na nasa Season 3 na ngayon.
Marami naman daw single na aktres na puwedeng maging leading lady ni Sen. Bong, pero si Beauty na may asawa’t anak pa ang napili.
At ‘yun ay sa kabila ng hindi siya gaanong sanay mag-Tagalog. Madalas ay Bisayang dialect (Cebuano) ang ginagamit niya sa serye.
Thankful si Beauty dahil pinapayagan siyang mag-dialogue sa Bisaya, at comedy ang dating nito.
Ayon naman kay Sen. Bong, swak sila ni Beauty at magaan katrabaho ang aktres. Wala itong kaarte-arte kahit ano ang kailangan niyang gawin sa kanyang mga eksena.
Dagdag na saya naman sa serye ang partisipasyon nina Carmi Martin, Niño Muhlach, Mae Bautista, atbp..
Marami pang kontrabida actors ang papasok sa istorya kaya tiyak na mapapasabak nang husto sa mga action scenes si Police Major Bartolome (Bong Revilla). Para kang nanonood ng action movie sa bawat episode.










Comments