top of page
Search
BULGAR

Alin kaya ang aabangan ng publiko, ‘Bato’ Committee o QuadComm sa isyu ng EJK?

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Oct. 18, 2024



Prangkahan ni Pablo Hernandez

MAAARING TAMA SI PANELO, MAY NAG-UTOS LANG KAY GARMA NA IDIIN SI EX-P-DUTERTE SA EJK, KASI NOON TODO-DENY SIYA, PERO NGAYON TODO-DIIN NA SA EX-PRESIDENT -- Paniwala ni former presidential legal counsel Salvador Panelo, habang nakakulong sa Kamara si former Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager, ret. P/Col. Royima Garma ay may nag-utos dito para idiin si ex-P-Duterte sa extrajudicial killings (EJK) sa bansa noong panahon ng Duterte administration.


Maaari nga, kasi noong unang pagharap ni Garma sa Kamara ay todo-deny siya sa isyu ng EJK na kinasasangkutan niya sa panahon ng Duterte admin, pero sa sumunod na pagharap nito sa imbestigasyon ng Quad Committee, aba’y iba na ang tono nito, idinidiin na si ex-P-Duterte sa reward system na EJK sa bansa, tsk!


XXX


QUAD COMMITTEE ‘IN AID OF ELECTION’ PARA SIRAIN SI EX-P-DUTERTE AT MGA KANDIDATO NITO SA PAGKA-SENADOR -- Noong una inakala ng publiko na ang isinasagawang imbestigasyon ng Quad Committee sa EJK sa panahon ng Duterte admin ay para ‘yung mga ebidensyang makakalap ay dadalhin sa International Criminal Court (ICC) bilang dagdag-ebidensya sa mga may kaso ng crime against humanity sa ICC, ‘yun pala ay hindi, kasi mismong si QuadComm chairperson Rep. Ace Barbers na ang nagsabi na hindi raw nila ibibigay sa ICC ang ilalabas nilang committee report dahil hindi naman na raw member ng ICC ang ‘Pinas.


Dahil diyan, sinabi ni former presidential spokesman Rigoberto Tiglao na itong imbestigasyon ng QuadComm ay maituturing na “in aid of elections” para siraan si ex-P-Duterte at mga kandidato nito sa pagka-senador na sina reelectionists Sen. Bong Go, Sen. Ronald Dela Rosa at iba pang kandidatong malapit sa dating presidente, period!


XXX


PANINIRA KAY SEN. BONG GO, WALANG TALAB KASI SA LATEST SURVEY, SA TOP 12 CANDIDATE, RANK 5 SIYA -- Kahit anong paninirang gawin kay Sen. Bong Go ay walang talab.


Sa latest survey kasi ng Tangere Research Firm ay pasok pa rin sa top 12 si Sen. Bong Go, rank 5 siya.


Ang dahilan kaya walang talab kay Sen. Bong Go ang mga paninira sa kanya ay dahil may nagmarka sa isipan ng publiko na kanyang nagawa, at ito ay ang Malasakit Center free hospitalization sa mga public hospital, na ayon sa data ng Dept. of Health (DOH) ay higit 15 milyong pamilyang Pinoy na ang naserbisyuhan, palakpakan naman diyan!


XXX


‘BATO’ COMMITTEE VS. QUAD COMMITTEE SA EJK -- Nagdesisyon na si Sen. Ronald “Bato”Dela Rosa, chairman ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drug na magsagawa ng imbestigasyon sa EJK sa bansa upang tapatan ang imbestigasyon ng QuadComm para raw mas malaman ng mamamayan ang katotohanan tungkol sa sinasabing EJK sa panahon ng Duterte admin.


Ayos iyan ah, tingnan nga natin kung alin ang mas magiging klik o “hit” na panonoorin ng publiko, ang “Bato” Committee o ang Quad Committee, abangan!

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page