ALFRED, NA-STARSTRUCK KAY NORA NANG MAGKASAMA SA MOVIE
- BULGAR
- Dec 28, 2022
- 2 min read
ni Reggee Bonoan @Sheet Matters! | December 28, 2022

Dream come true kay Konsehal Alfred Vargas na makasama ang nag-iisang Superstar na si Ms. Nora Aunor sa pelikulang ididirek ni Adolf Alix, Jr.
Ayon sa magiting na konsehal ng 5th District ng Quezon City, "Yes, first time ko silang makatrabaho and I am beyond excited! Dream come true to do a project with the one and only Superstar, Ms. Nora Aunor.
"Long overdue na magka-project with Direk Adolf. Before pa dapat kami nakagawa ng pelikula, hindi lang natuloy.
"This time, ito na. I admire the body of work of Direk Adolf at masarap siyang katrabaho. Isa siya sa mga magagaling na young directors," say ng aktor-pulitiko.
Ang kilalang si Gerry Gracio ang sumulat ng script.
"It's a meaningful mother and son story by Gerry Gracio. May element na first time gagawin ni Nora in the big screen at ako naman, first time ko rin sa role na ito. Drama na may halong action," sabi pa ni Alfred.
Magsisimula raw gumiling ang kamera sa unang quarter ng 2023 at ipapalabas din ito sa parehong taon.
May kaba sa dibdib ang pakikipagtrabaho ni Alfred kay Ate Guy.
"Honestly, may kaba sa akin kasi bata pa lang ako, FAN na niya ako. Paano kung kasama ko na sa eksena? Grabe na.
"I met her personally to talk about the project at napakabait and hospitable niya.
"Na-star struck ako nu'n, I was just trying to act calm sa harap niya. Nagpa-picture ako sa kanya after kaya happy ako," masayang kuwento ni Alfred.
Nabanggit din nito ang mga paghahanda tulad ng script development stage, planning at pag-uusap nila ni Direk Adolf.
Samantala, tinanong si Konsi Alfred kung saan at paano sila nag-celebrate ng pamilya niya ng Pasko.
"'Yung Christmas, dito lang sa bahay para matipid at masaya. We invited our relatives here, masarap ang food, kani-kanyang dala, potluck," tsika ni Konsi Alfred.
Dagdag niya, "Meron din kaming program, kumanta ang kids ko, sina Alexandra, Aryana and Cristiano. Tuwang-tuwa lahat sa performance nila. Tingin ko, meron sa kanila ang mag-aartista rin. Nakaka-proud talaga kapag nakakapagpasaya ang mga anak mo."
At sa Bagong Taon ay sa bahay ng ate niya sa Loyola Heights nila ito iseselebra kasama ang mga pamilya nila ni 5th District Representative PM Vargas.
Ano ang New Year's wish niya?
"Sana lalo kong ma-nurture 'yung mga important relationships ko sa buhay. I realized kasi that life is about meaningful relationships talaga. 'Yan ang magpapaligaya sa 'yo at ang mga tunay mong kaibigan ang mag-aangat sa 'yo at tutulong sa 'yo sa buhay. Tumatak 'yan sa akin during the pandemic.
"Kaya for my New Year's resolution, iiwas na ako sa mga taong plastic at nega. Tatanggalin ko sila sa buhay ko, ha ha ha ha!" natawang sambit ni Konsi Alfred.





Comments