Alert Level 2 sa Pasko at Bagong Taon, hirit ng DOH
ni Ryan Sison - @Boses | December 09, 2021
Upang patuloy na mabantayan ang Omicron variant ng COVID-19 ngayong holiday season, nais ni Health Secretary Francisco Duque III na manatili ang Alert Level 2 sa Pilipinas pagsapit ng Pasko at Bagong Taon.
Matatandaang sa kasalukuyan, nasa Alert Level 2 ang buong bansa hanggang Disyembre 15, bagay na nais pang palawigin ng opisyal.
Sa ilalim ng Alert Level 2, 50% lang ng kapasidad ng indoor establishment ang pinapayagan at dagdag pa ni Duque, malaki-laki na ring bahagi ng ekonomiya ang nabuksan at nagdudulot ng unti-unting pagbangon ng bansa.
Gayunman, wala pang desisyon sa panibagong alert level ang Inter-Agency Task Force (IATF) dahil magde-depende ito sa pagpasok o hindi ng Omicron variant sa bansa.
Ayon kay acting Presidential Spokesman Karlo Nograles, hihintayin muna nila ang resulta ng pag-aaral na ginagawa ng World Health Organization (WHO) dahil kailangan munang malaman ang karakter ng bagong virus nang sa gayun ay alam din ng gobyerno ang gagawin sakaling makalusot ang bagong variant sa bansa.
Bagama’t maaari pa ring maipagdiwang ang Kapaskuhan, kailangan pa rin ang ibayong pag-iingat.
Habang wala pang pinal na desisyon ang mga kinauukulan, ang magagawa nating mamamayan ay patuloy na sumunod sa mga ipinatutupad na pag-iingat laban sa sakit.
At kahit milyun-milyon na ang bakunado, hindi ito nangangahulugan na ligtas na tayo sa lahat ng variant ng COVID-19.
Tandaan na nariyan pa rin ang virus at kahit sino ay puwedeng tamaan, kaya naman pakiusap sa lahat, pairalin ang disiplina at kooperasyon sa lahat ng pagkakataon.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments