top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Alert Level 2 na, wala na bang panganib, wala na bang COVID?

Writer: BULGAR
BULGAR
Nov 15, 2021
3 min read

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | November 15, 2021



Parang wala nang pandemya, parang wala nang COVID. Puno na naman ang mga kalye dahil sa kaliwa’t kanang trapik. Sa Quezon Memorial City Circle, punumpuno ang mga tao — may bata at matanda na tila sabik na sabik dahil karamihan sa kanila ay halos dalawang taon nakatambay lamang sa kani-kanilang bahay. Gayundin, puno na ang mga mall, kung saan ang mga ito ay tila may pa-“welcome back” pa sa mga bata.


Sa halos dalawang taong pakikipaglaban sa pandemya, ngayon pa lang bumabawi ang lahat.


Kahit sabihing hindi na maibabalik ang mga nakasanayan, tila gumagawa ang marami ng paraan upang maging masaya ang kani-kanilang buhay.


Kaugnay nito, pinulong natin sa parokya noong Biyernes ang mga volunteers sa lingguhang programa ng pagpapakain, pagbabahagi ng ayuda, pagtatanod sa Santisimo Sakramento at pagdalaw sa matatanda at may sakit para basbasan at bigyan ang mga ito ng banal na Komunyon.


Naitanong namin sa kanila kung ano ang ilang mahahalagang leksiyon na kanilang natutunan mula sa mahabang panahon ng pandemya—ng lockdown, kahirapan, kamatayan, takot, lungkot at pag-aalinlangan. Narito ang ilang lumabas na mga leksiyon.


Una, hindi sapat na basta buksan ang pintuan ng simbahan para sa mga tao. Dahil natakot ang marami, kaunting na lang ang dumadalaw sa mga simbahan, lalo na noong kasagsagan ng COVID-19. At dahil kaunti na lang ang mga nagsisimba, mabuti natuto ang ilang parokya sa pamumuno ng kanilang pari at lider na lumabas at bumaba upang dalawin at makipag-ugnayan sa mga parokyano.


At ang kongkretong pakikipag-ugnayan ay ang pagbabahagi ng pagkain at ayuda. Ang simbahan ay naging kusina. Tinanong natin ang mga volunteer kung ano ang pinakakain ng simbahan maliban sa tiyan na kumakalam? Malinaw ang sagot — ang buong tao — ang kanyang isip, puso, diwa, damdamin, kaluluwa at katawan. Marahil isa ito sa pinakamahalagang leksiyon ng pandemya, ang makita ang kabuuan ng tao — ang taong buo.


Pangalawa, hiwalay ba ang simbahang pinupuntahan upang manalangin, dumalo sa misa at tumanggap ng mga sakramento at ang mga pamayanang dinadalaw ng pari, katekista at ibang volunteer upang magbigay ng iba’t ibang ayuda? O, sa totoo lang, iisa ang dalawa. Hindi ba’t simbahan ay ang katawan ni HesuKristo? At ang katawan ay may ulo, puso, sikmura, baga, mga kamay at paa? Ang katawan, may labas at loob, at kapwa mahalaga ang dalawa. At ito ang mahalagang tingnan, na hindi mapaghihiwalay ang labas at loob, ang simbahan at ang sambahan, ang tao at ang Diyos. Ang simbahan ay buo — ang simbahan ay isa.


Pangatlo, sa mga nagdaang taon at buwan ng pandemya, samantalang paulit-ulit na iginigiit ang lockdown at ang sapilitang pagpapanatili sa lahat sa loob, merong ilan na hinanap ang mga paraang hindi maputol ang pakikipag-ugnayan ng mga taong simbahan, mula sa pari hanggang sa mga pamunuan ng parokya, volunteers at miyembro ng iba’t ibang samahan.


Kung maraming simbahan at institusyon ang lubos na sumunod at 100% nag-lockdown, meron namang mga hindi sumunod at hinayaan ang iilan na pumasok at manalangin, at tauhan ang kadalasa’y mala-disyertong loob ng simbahan. Hindi tayo nanatili sa loob, nagtago, lubos na nag-ingat at umiwas sa hawa at disgrasya. Tayo ang nagtaya upang magtulay at ipadama sa lahat na hindi nagsara, nagtago at tuluyang natakot ang simbahan.


Ang simbahang naging kusina, higit na nabuo ang labas at loob, natuklasang siya’y tulay na umuugnay at hindi pader humihiwalay.


At ngayong ibinaba na sa Alert Level 2 ang direktiba, nakababahala at nakalulungkot na mabilis nagsipagbalikan ang marami sa mall, kalye, lansangan at iba pang galaan. Sa ganitong pagkilos ipinapakita ba ng marami at ng gobyerno na nagpahintulot na halos wala o mahina na ang panganib sa COVID? Hindi nawawala ang panganib, marami pa rin ang nasa ospital dahil.


Marami pa ring ayaw magpabakuna na maaaring mahawa at makahawa.


Hindi masamang maghinay-hinay, mabagal ngunit patuloy at sigurado. Nakababahala ang padalus-dalos, nagmamadaling wala namang dahilan kundi ang magpasingaw ng init dahil sa tagal ng pagkakakulob ng lockdown. Nakalulungkot dahil sa kabila ng mabigat na leksiyon ng pandemya, pilit nating ibinabalik sa dati ang ating buhay samantalang, malinaw na nais ng sitwasyon at ng Diyos na hindi na tayo bumalik sa dating walang pakialam, walang pag-iingat, pagtitipid, pagtitiis at paghihigpit, pagdidisiplina ng masiba, makonsumo, mapagaksaya at mapanirang sarili.


Hindi lang simbahan, kundi ang lahat ng mga institusyon, sektor at individwal ay kailangang matutong maging kusina — maging buo at maging tulay.



Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page