Alert Level 1 sa NCR, pinalagan
ni Ryan Sison - @Boses | November 13 , 2021
Agad na nanawagan ang isang grupo ng mga doktor sa pamahalaan na maghinay-hinay sa pagluluwag ng quarantine restrictions sa Metro Manila matapos sabihin ni Health Secretary Francisco Duque III na posibleng ibaba sa Alert Level 1 ang National Capital Region (NCR).
Ayon sa kalihim, ito ay posible kung bababa pa ang daily COVID-19 cases sa 500 hanggang 1,000.
Ngunit paliwanag ni Dr. Maricar Limpin, pangulo ng Philippine College of Physicians, masyado pang maaga ang pagbaba sa Alert Level 1 dahil maituturing pa ring marami ang daily cases kahit pa mas mababa ito sa 1,000.
Sa halip na magluwag, iminungkahi nito na bantayang mabuti ang Holiday Season, gayung hindi pa bakunado ang mga batang pinapayagang lumabas sa ilalim ng Alert Level 2. Gayundin, nais nitong matutukan ang posibleng pagdagsa ng mga uuwing overseas Filipino Worker (OFW) sa darating na Pasko at Bagong Taon.
Samantala, naniniwala rin ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na hindi pa napapanahon ang pagbaba ng alert level sa NCR.
Giit ni DILG Undersecretary at Spokesperson Jonathan Malaya, sapat na ngayon ang Alert Level 2 sa Metro Manila kahit patuloy ang pagbaba ng mga naitatalang kaso ng COVID-19.
Maaari aniyang ibaba ang alert level sa sandaling gumanda na rin ang lagay ng pagbabakuna sa labas ng NCR, partikular sa mga rehiyon na nakapalibot dito.
Sa totoo lang, sang-ayon tayo sa mga eksperto hinggil sa usaping ito. Wala namang masama kung oobserbahan muna natin ang sitwasyon ngayon, at saka na magluwag pa kung kakayanin talaga.
Kamakailan, matatandaang nagpahayag ng pagkabahala ang ilang eksperto hinggil sa pagdami ng mga tao sa labas. Bagama’t maaga pa para husgahan ang epekto nito, ang tanong, nakatulong ba sa sitwasyon o nakapagpalala pa?
Kaya naman, panawagan sa pamahalaan, hinay-hinay lang tayo sa pagluluwag.
Sa ngayon, mas makabubuting makinig tayo sa mga eksperto dahil sila ang mas nakakaalam ng mga posibilidad ng ating mga ginagawang hakbang.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments