Alert Level 1, bagong buhay, bagong pag-asa
ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | March 4, 2022
Aprubado na ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang hiling na amyendahan na ang umiiral na panuntunan hinggil sa implementasyon ng Alert Level System para sa pagtugon sa COVID-19 sa buong bansa.
Ito ay naganap matapos na magkasundo ang 17 alkalde ng Metro Manila na ilagay na sa pinakamaluwag na restrictions ang National Capital Region (NCR) bunsod ng patuloy na pagbaba kaso at hawaan ng COVID-19 na naging dahilan para isailalim na sa Alert Level 1 ang NCR at 38 iba pang lugar mula Marso 1 hanggang 15.
Sa ilalim ng Alert Level 1, halos wala nang restrictions kung kapasidad ng indoor at outdoor ang pag-uusapan dahil lahat ay maaari nang magsagawa ng intrazonal at interzonal travel kahit sa anong edad o maging sa mga kababayan natin may taglay na iba pang karamdaman.
Lahat ng establisimyento ay pinapayagan nang magbukas, ang ating mga kababayan ay pinapayagan nang magtrabaho at lahat ng iba pang aktibidades ay pinapayagan na basta susundin lamang ang nalalabi pang minimum public health standards.
Samantala, ang face-to-face classes para sa primary education ay wala pang direktang kautusan mula sa IATF dahil nakatakda pa itong isasailalim sa pag-aaral ng tanggapan ng Pangulo kung dapat nang aprubahan o hindi pa.
Sa ilalim ng Alert Level 1 ay may mga umiiral ding panuntunan na dapat nating matukoy upang hindi tayo humantong sa pagkakamali o hindi sinasadyang paglabag na maaaring humantong sa hindi pagkakaintindihan ng ating mga kababayan at ng mga nagpapatupad ng health protocol.
Unang-una na ang pagsusuot ng maayos na facemask sa lahat ng pagkakataon na tayo ay nasa labas ng bahay, maging ito man ay outdoor o indoor, maging ito ay pribado o pampublikong etablisimyento o lugar kabilang na ang pampublikong sasakyan maliban na lamang kung kumakain o umiinom.
Kabilang sa pampublikong sasakyan ang eroplano at barko, pinapayagan din ang mga kalahok ng team o individual sports sa mga lugar na pagdarausan ng palaro na dapat sapat ang bentilasyon, maging ang mga nagsasagawa ng outdoor sports o pag-eehersisyo ay maaari basta pananatilihin lamang ang physical distancing.
Lahat ng pribadong opisina at mga gawaan kabilang na ang mga construction sites ay puwede sa full 100 percent capacity basta tiyakin lamang na kompleto na sa bakuna ang mga manggagawa na pangunahing requirements para sa on-site work.
Maging ang mga manggagawa sa lahat ahensiya ng pamahalaan ay inaatasan na ring isailalim sa 100 percent on-site workforce maliban na lamang sa iba pang may ibang arrangement sa kani-kanilang tanggapan basta nakapaloob sa panuntunan ng Civil Service Commission at ng Office of the President.
Pinapayagan na rin sa full seating capacity ang mga pampublikong sasakyan sa ilalim ng Alert Level 1 at hindi na rin kailangan ang paggamit ng plastic o acrylic divider at hindi na rin kailangan ang paggamit ng Safe, Swift and Smart Passage (S-Pass) o kahit anong papeles.
Hindi na rin pinaiiral ang pagsusulat sa mga health declaration form na pinagbabasehan sa contact tracing sa lahat ng mga establisimyento sa ilalim ng Alert Level 1, ngunit ang paggamit ng contact tracing, tulad ng StaySafe.PH ay optional sa lahat ng ahensiya at establisimyento.
Kaugnay nito, ang 18-anyos pataas ay obligadong magpakita ng katunayan na bakunado na bago makilahok sa mass gatherings o pumasok sa mga establisimyento maliban na lamang sa mga religious gatherings, lamay at personal na pagtitipon.
Ang mga batang may edad 17 pababa ay hindi naman obligadong magpakita ng vaccination card sa kahit saang establisimyento at bukod sa mga panuntunang ito ay malaya na nating magagawa ang mga nais nating gawin sa araw-araw.
Ang pagkakalagay sa pinakamaluwag na restriction sa maraming lugar ay indikasyon na simula na ito ng panibago nating buhay at panibagong pag-asa para simulan nang muli ang pagbangon ng marami nating kababayan lalo na ‘yung mga nasalanta o labis na naapektuhan ng pandemya.
Bumagsak na rin kasi sa 4.64% ang positivity rate sa buong NCR na pasok na sa less than 5% na sukatan ng World Health Organization (WHO) para masabing bumaba na ang mga kaso at kontrolado na ang hawaan ng naturang virus.
Hindi rin totoo ang kumakalat sa social media na may kaugnayan sa nalalapit na eleksiyon ang rekomendasyon na luwagan na sa Alert Level 1 ang maraming lugar dahil may mga datos na binabantayan ang mga mayor at wala itong kinalaman sa pulitika.
Kaya ngayong muli tayong nagkaroon ng pagkakataon sa panibago nating buhay ay tiyakin natin na hindi ito masasayang para magsumikap na muling makabangon ang bawat isa at ang buong bansa.
Higit sa lahat ay huwag magbigay ng kumpiyansa laban sa COVID-19 at higit sa lahat ay magpabakuna para makapamuhay na tayo ng ligtas at hindi na muling tumaas pa ang Alert Level na ilang panahon na nating tinitiis.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments