top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Alegasyon o paratang, hindi basehan para mapaalis sa trabaho ang empleyado

Writer: BULGAR
BULGAR
Jan 19, 2022
2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | January 19, 2022



Dear Chief Acosta,


Hindi malawak ang aking kaalaman sa batas dahil na rin sa hindi ako nakatuntong ng hayskul. Gayunman, mapalad akong nakapagtrabaho bilang factory worker. Noong nakaraang ilang buwan, nagkaroon ng pangyayari sa aming pabrika, kung saan may nakitang mga pinagtabasan ng plastic sa pagkaing na-package at isa ako sa mga pinagbibintangang may sala. Hindi ko alam ang aking isasagot sapagkat Ingles ang memo na aking natanggap kaya’t ang tanging nasabi ko lamang ay “Pasensiya na, kung ako ay may pagkukulang.” Ipinababatid ngayon ng pamunuan na dahil hindi ko pinabulaanan ang nangyari ay ebidensiya na iyon laban sa akin at sapat na dahilan para ako ay matanggal sa trabaho. Tama ba ito? – Xavier



Dear Xavier,


Para sa inyong kaalaman, ayon sa ating Kagalang-galang na Korte Suprema sa kasong Pacific Royal Basic Foods, Inc. vs. Violeta Noche, et al. (G.R. No. 202392, 4 October 2021), ang hindi pagpapasubali sa alegasyon o paratang ng pagkakamali, kung ito lamang ang pagbabasehan ng hatol sa pagkaalis sa trabaho ay hindi sapat, bagkus, sinabi ng Kataas-taasang Hukuman na:


“The silence of an employee against the allegations of an employer, by its lonesome, should not disadvantage to the former. It remains incumbent upon the employer as the party making the allegations to demonstrate the truth of the same by presenting substantial evidence.”


(Binigyang-diin.)


Samakatwid, kinakailangan pa rin ng inyong employer na mapatunayan sa pamamagitan ng higit na makatwirang ebidensiya (substantial evidence) ang kanyang alegasyon at hindi sapat na tanging ang inyong hindi pagpapabulaanan dito ang magiging dahilan sa inyong pagkakatanggal sa trabaho.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page