Alalum Falls, nanalo sa PHILTOBO Juvenile
- BULGAR
- Nov 7, 2022
- 1 min read
ni Green Lantern - @Renda at Latigo |November 7, 2022
Humarurot agad si Alalum Falls sa unang karera para angkinin ang panalo sa PHILTOBO Juvenile Fillies Cup na inilarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City sa Batangas.
Nasilayan agad ang husay ni top favorite Alalum Falls na sinakyan ni class A rider Rodeo Fernandez na ikinatuwa ng mga liyamadista.
"Maraming namuro siyempre at isa na ako roon, napabilib ako sa ipinakita ni Alalum Falls napakahusay niya," saad ni Carlito Legaspi, veteran karerista.
Inirehistro ng anak nina Survival at Gunhuban Falls na si Alalum Falls ang tiyempong 1:26.2 minuto sa 1,400 meter race sapat para hamigin ng winning horse owner na si W. Tan ang P300,000 premyo.
Dumating na segundo si Bantay Sarado na humamig ng P112,500 habang tersero at pang-apat sina Paramount at Malibu Bell na nagbulsa ng tig- P62,500 at P25,000 ayon sa pagkakasunod na inisponsoran ng Andok's Corporation at PHILTOBO.
Kumubra rin ang winning groom at assistant groom ng added prize na P10,000 mula sa Manila Horse Power.
Samantala, may 12 karera ang inilarga kahapon ng Linggo, lahat ng races ay suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.





Comments