top of page

Alagang aso na walang tali sa pampublikong lugar, may multang P500

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jun 3, 2023
  • 2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | June 3, 2023


Dear Chief Acosta,


Ako ay may kapitbahay na may mga alagang aso, at sa tuwing inilalabas niya ang mga ito ay hindi niya nilalagyan ng tali. Nababahala ako sapagkat ako ay may maliliit na mga anak, at pinangangambahan ko na baka sila ay makagat ng mga nasabing aso.


Nang kausapin ko ang aking kapitbahay tungkol dito, sinabi niya sa akin na hindi na niya kailangang itali ang mga aso sa tuwing ilalabas niya ito sapagkat kumpleto naman diumano ang mga ito sa bakuna. Maaari ba iyon? – Armand

Dear Armand,


Ang batas na sasaklaw patungkol sa iyong katanungan ay ang Republic Act No. 9482 o mas kilala bilang Anti-Rabies Act of 2007. Nakasaad sa Sections 5 at 11 nito na:


“SEC. 5. Responsibilities of Pet Owner. – All Pet Owners shall be required to:

(c) Maintain control over their dog and not allow it to roam the streets or any public place without a leash.

SEC. 11. Penalties. –

(5) Pet owners who refuse to put leash on their dogs when they are brought outside the house shall be meted a fine of P500 for each incident.”

Alinsunod sa mga nabanggit na probisyon ng batas, ang isang nagmamay-ari ng alagang aso ay marapat na siguraduhin na ang kanilang alaga ay hindi hahayaang gumala sa kalsada o sa ibang pampublikong lugar nang walang tali. Ang pagkakaroon ng bakuna ng alagang aso ay hindi dahilan upang hindi tuparin ang nasabing responsibilidad.


Kaugnay nito, nakasaad din sa batas na ang paglabag sa nasabing probisyon ay may kaukulang multa na nagkakahalaga ng limang daang piso (P500) sa bawat insidente ng paglabag.

Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.

Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page