ni Judith Sto. Domingo @Asintado | May 29, 2024
Opisyal na magtatapos ngayong Miyerkules ang maalab na season 86 ng University Athletic Association of the Philippines o UAAP, ang pangunahing ligang pampalakasang kinatatampukan ng mga estudyanteng atleta ng walo sa malalaking pamantasan sa Pilipinas.
Punong-abala ng season 86 ang University of the East (UE), bilang UAAP host sa ika-10 pagkakataon.
Ang programang pangwakas ng UAAP 86 ngayong hapon ay uumpisahan ng pinakahuling paligsahan ng liga para sa kasalukuyang siklo, ang streetdance competition. May dalawang dibisyon ito: pang-high school o juniors at pang-kolehiyo o seniors.
Kahit sinumang mga koponan ang manalo, tiyak na kagila-gilalas ang mga kabataang magsisipagsayaw, na ang kumplikado’t maangas na magiging mga galaw at koreograpiya ay tila sasalamin sa tulin ng panahon ng henerasyong lumaki sa likot at kulit ng social media.
Maituturing na pinakamatimbang na bahagi ng pagtatapos ng UAAP 86 ang pagbibigay parangal sa hihiranging mga Rookie of the Year at mga Most Valuable Player of the Year ng iba’t ibang torneo — mapa-seniors man o mapa-juniors — ng iba’t ibang klaseng laro ng liga. Bukod sa pinakasikat na mga paligsahan gaya ng basketball at volleyball, nariyan ang marami pang iba gaya ng chess, swimming, table tennis at lawn tennis, athletics, at ang ating paboritong badminton.
Sa isang banda, maisasalarawan ng pangwakas na programang ito ang matagal nang ginagampanang papel ng UAAP: ang pagiging pundasyon sa paghubog ng mga kabataang atleta, na mahahasa nang husto bago maging kaanib ng mga ligang pang-propesyonal gaya ng PBA at PVL, o bago maging kasapi ng mga pambansang koponan na sasabak sa mga torneo sa ibang bansa.
Isang sariwang ehemplo nito ay ang gradwado ng UE at batikang fencer na si Samantha Kyle Catantan, na sa sobrang galing at dedikasyon sa kanyang laro ay hindi lang naging Rookie of the Year sa UAAP kundi MVP rin ng limang sunud-sunod na mga taon ng liga at, makalipas ang iba pang pagsali sa mga patimpalak kalaban ang mga taga-ibang bansa, ay sasabak sa ngalan ng Pilipinas sa darating na Hulyo sa Summer Olympics sa Paris.
Sa kabilang banda ay pagkakataon ang UAAP 86 closing ceremony para ipagbunyi ang mga atleta nito na napanalunan ang kani-kanilang makakamit na parangal, sa pamamagitan ng pagpapangalan sa kanila at pagbibigay ng mga tropeong sisimbolo ng kanilang sipag, tiyaga at tagumpay. Madadala rin ng parangal sa mga ito ang kani-kanilang mga tagasanay o coach, pati ang mga mahal sa buhay na kanilang pangunahing tagapagtaguyod.
Ngunit maaari rin nating mapagnilay-nilayan ang nasa likod ng magiging palatuntunang iyon: ang daan-daang mga karanasan ng sinumang masisigasig na mga kabataan na mag-aaral na, manlalaro pa — nanalo man sila sa taong ito o hindi. Sila na mga dumaan sa mga pagsubok at dagok na hinarap at nalampasan, at sa mga paghihirap ng katawan, isipan o damdamin na pinasan gamit hindi lang ang lakas ng katawan kundi matindi ring lakas ng loob. Sila na tumatalas sa pagpapamalas ng tapang habang iniinda ang anumang uri ng suliranin bilang mga estudyanteng atleta o maging miyembro ng kani-kanilang pamilya.
Sa bandang huli, pagtatapos man ang tema ng programa ng UAAP sa araw na ito ay may dala ring hudyat ng bagong simula. Bahagi rin nga naman ng masayang programa ang pormal na paglilipat ng tungkuling maging UAAP host, mula sa UE papunta sa University of the Philippines, na magiging punong-abala ng liga sa ika-13 na pagkakataon.
Naipapatotoo nito ang isang kasabihang nabigkas noon ng isang pumanaw nang Alemang football player: “After the game is before the game.” Na ang pagtatapos ng isang laro ay daan sa pagsisimula ng susunod na laro. Na habang tayo ay ginigising ng bawat sikat ng araw, may pag-asa tayo, anuman ang ating kinahaharap sa agos ng buhay.
Kaya tuluy-tuloy lang tayo sa pagtitiyaga, tuluy-tuloy sa paglalaro, tuluy-tuloy sa pakikipagsapalaran nang buo ang loob at laging nakatutok sa paroroonang pinakaaasam.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.
Σχόλια