Ala-Coco… JANE, PATI EDITING NG DARNA AT ACTING NG MGA CO-STARS, BINABANTAYAN
ni Julie Bonifacio - @Winner | November 24, 2022

Thankful si LA Santos sa mga taong naniniwala sa kanya since nagsimula pa lang siya sa showbiz hanggang ngayon sa special lunch treat niya with the entertainment press sa MESA Resto sa may Tomas Morato, Quezon City.
“Natuto po akong sumagot sa mga interbyu dahil sa press. Natuto po talaga akong sumagot dahil sa inyo. Kaya napraktis na po ako... hahaha!
At siyempre, pinaka-thankful ako kay Mommy (Flor Santos), ipinaglaban niya talaga ako,” pahayag ni LA.
Magpa-five years na sa showbiz si LA pero feeling niya, baby pa rin ang kanyang career sa showbiz. Knows niya na marami pa raw siyang pagdaraanan.
“Opo, actually, dahil nga po sa pandemic, kaka-start pa lang ng acting career ko, eh. ‘Yung kay Tita Tang (Adriano, his manager), ‘yung Sa ‘Yo ay Akin po, doon po talaga nag-push ‘yung acting career ko lalo na po dati kasi puro mga concerts."
Hanggang sa napasama na siya sa seryeng Ang Sa Iyo ay Akin sa tulong ng kanyang manager na si Tang Adriano.
Nu'ng una, gusto lang kumanta ni LA. Kaya nu’ng alukin siya na mag-artista ay medyo nagdalawang-isip siya.
“Nu’ng nakapasok na po ako sa acting, na-in love po ako. Na-in love po ako sa the fact na parang napupunta ako sa ibang mundo po lalo na po kapag may scenes ako, especially dito sa Darna, kapag may mga scenes kami rito na mga alien, na kalaban, may mga alien na nagsasabugan,” lahad ni LA.
Wish ni LA na gumaling pa siya sa pag-arte at mabigyan ng more challenging roles.
“Saka gusto ko na rin po talaga na mag-grow ang sarili ko kasi nandito na po, eh. May mga tumutulong na po sa akin. Kaya sobrang ayoko ring sayangin po ‘yung tsansa na ibinibigay sa akin.”
Kasama si LA sa fantasy-drama series na Darna ng ABS-CBN na pinagbibidahan nina Jane de Loen, Joshua Garcia at Janella Salvador.
“Sobrang family po kami doon,” ngiti ni LA. “‘Yun lang ang masasabi ko doon. Saka kapag naiisip ko nga po minsan, parang naiiyak na ako.
Kasi naa-appreciate ko ‘yung kina Jane, Joshua (Garcia), Janella, angatan. Parang nagtutulungan po kami paangat po.
“Wala po kaming nararamdaman na mas mataas si ganyan, mas mataas si ganyan. Parang naramdaman ko talaga po ‘yung gusto lang ng lahat ‘yung as a ‘Darna,’ as a buong unit, lumipad po kaming lahat. ‘Yun po ang na-appreciate ko sa Darna lalo na kasi parang ilang cycles na po kami nagsasama-sama.
“So parang family na po talaga kami lalo na po si Janella. She’s like a sister to me na talaga po. Nag-aasaran nga po kami, eh. Alam po ng iba rito ‘yung showbiz crush ko ‘yun dati,” kuwento ni LA.
Unang kita raw nila ni Janella sa set ng Darna ay inasar siya agad ng kanyang celebrity crush na gumaganap bilang si Valentina.
“Sabi niya, ‘Balita ko, crush mo ako.’ ‘Yung ganoon po, hahaha! ‘Nabasa ko ‘yun, ha?’ Sabi ko, ‘Suwerte mo.’ Hindi, joke lang. Hahaha!"
With regards to Jane, amazed na amazed daw siya sa bida ng Darna.
“Masasabi ko lang kay Ms. Jane, I’m so proud of her. Parang nakita ko rin talaga kung paano niya pinaghirapan, eh.
“Hindi ninyo lang po nakikita pero nu’ng mga bandang first and second cycle, ano po ‘yang si Jane, kunwari, after taping, pupunta pa ‘yan sa editing. Babantayan pa niya ‘yung editing niya. Kahit mga bandang 1 AM or 2 AM na, iniisa-isa pa po niya lahat.
“Tapos na-appreciate ko po sa kanya, binabantayan niya rin kaming mga ano, mga support niya po. Kunwari, meron siyang hindi gustong eksena, kahit ako po for example, hindi niya nagustuhan ‘yung ibinigay ko, sasabihan niya po talaga ako,” pagri-reveal pa ni LA.





Comments