Akusasyon Kina FM Raquel at Boss Emong, sinalagan
ni Green Lantern - @Renda at Latigo | December 16, 2021
Sumalag si horse owner Edong Diokno sa akusasyong pandaraya ng mga hineteng sina Fernando Raquel at Jonathan Hernandez na sumakay sa mga pambato nitong sina Boss Emong at Sky Shot noong Linggo sa 2021 Philracom Presidential Gold Cup na ginanap sa Metro Turf, Malvar sa Batangas.
Binigyan diin ni Diokno na hindi nagkaroon ng dayaan sa pagkakapanalo ng kanyang kabayong si Sky Shot na sinakyan ni former Philippine Sportswriters Association, (PSA) Jockey-of-the-Year awardee Hernandez.
Sa naganap na pagpupulong sa Solaire Resort and Casino, kahapon, ipinagtanggol ni Diokno si jockey Raquel Jr na sumakay kay Boss Emong at sinabing walang naganap na dayaan.
Dismayado si Diokno sa pagpataw ng six-month suspension ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa kabayong Boss Emong at jockey Raquel.
Naglabas ng saloobin si Diokno nang maghain ng protesta ang kampo ni Super Swerte na pag-aari ni Sandy Javier.
At para matigil na ang usapin ay naghamon si Diokno na mag one-on-one na lang sa pista sina Sky Shot at Super Swerte kahit walang premyong nakataya.
Nais ni Diokno na matapos na ang lahat, dahil naapektuhan ang ibang maliliit na tao sa kanyang kwadra partikular ang hineteng si Raquel. "Ang daming taong nadadamay, para hindi na humaba mag-one-on-one kami, walang perang involved, kwadra sa kwadra, Sky Shot versus Super Swerte," paghamon ni Diokno.
Samantala, nag-aabang ang mga karerista sa magiging sagot ng PHILRACOM sa protesta ni Javier, posibleng lumabas ang resulta bukas (Biyernes) o sa Sabado.





Comments