ni Janiz Navida @Showbiz Special | Nov. 22, 2024
Photo: Nadine Lustre at Aga sa movie trailer ng Uninvited
Hollywoodish ang galawan sa ginanap na super-grandiosong mediacon ng MMFF 2024 entry ng Mentorque Productions at Project 8 Projects na Uninvited na pinagbibidahan nina Vilma Santos, Aga Muhlach at Nadine Lustre sa Solaire Resort North last Wednesday night.
Nasa 300 o 400 guests siguro ang invited para sa Uninvited kasama na ang mga entertainment press from print, TV, radio and social media (vloggers and influencers).
At nag-effort talagang um-OOTD ang marami naming kasamahan sa media sabay rampa sa mahabang red carpet na nilakaran din ng main at supporting cast ng movie kasama ang mga bumubuo sa produksiyon mula sa pangunguna ng direktor na si Dan Villegas.
Aminado ang producer na si Bryan Diamante o Bryan Dy na dream project talaga niya ang Uninvited dahil sa dinami-dami ng nai-pitch nilang story kay Ate Vi, sa wakas ay pumayag na rin itong gumawa ng pelikula sa produksiyon.
At 'di lang bidang aktres, collaborator din pala ng Uninvited ang Star for All Seasons dahil siya ang nag-suggest ng story nito na kakaiba sa lahat ng nagawa na niyang 200 films.
Tuwang-tuwa rin si Ate Vi na muling makasama si Aga sa Uninvited kung saan third time na nila itong gumawa ng movie. Kuwento nga niya, sinabihan niya si Aga na magsolian na sila ng kandila kung 'di ito papayag na makasama sa pelikula. Ninang pala kasi sa kasal nina Aga at Charlene si Ate Vi.
Super proud din naman si Nadine Lustre na makatrabaho ang Star for All Seasons at ang magaling na aktor na si Aga. At dahil aminado naman siyang palaban talaga sa tunay na buhay, 'di siya nagpatalo at nagpasapaw sa aktingan sa dalawa.
Isa sa mga highlights sa ipinalabas na teaser ay 'yung minura-mura ni Nadine si Aga, na kung bakit, eh, 'yun talaga ang isa sa mga dapat alamin sa movie na showing on Dec. 25, 2024.
Sayang at hindi na namin naka-one-on-one interview ang main cast na sina Ate Vi, Aga at Nadine dahil umalis na sila agad after ng Q&A, kaya ang Mentorque producer na lang ang tsinika namin after the event.
Ayaw sabihin ni Sir Bryan Dy kung gaano kalaki at ilang milyon ang ginastos sa sobrang bonggang pelikulang ito, pero aniya nga, sa kalibre ng mga artista na kayang ilaban globally, walang dahilan para hindi gastusan ang Uninvited.
Diretso naming ipinakumpirma kay Sir Bryan kung totoo ba ang bulung-bulungan na si Dept. of Finance Secretary Ralph Recto na mister ni Ate Vi ang 'boss' na sinasabi niyang handang gastusan ang pelikula kahit gaano pa kalaki ang budget nito.
Sagot ng Mentorque producer, "Actually, you have to dispel that. Ako, I work for them when it comes to politics. Talagang 'yung boss ko, very supportive lang. Sabi ko, 'Boss, I wanted to go to film.' 'Oh, to keep yourself sane, para magkaroon ka ng creative ano, sige, go!' Very supportive sila on that.
"But basically, sila, they just empower you kung ano'ng kailangan mo, kung ano'ng trip mo. Pero hindi 'yan dahil 'Oh, my boss ka, gawin mo 'to, Bryan. Hindi ganu'n 'yun.'"
At sa tanong kung nag-invest nga ba ang mister ni Ate Vi sa Uninvited, aniya, "'Di ko alam kung investment 'yun kasi whatever I have, galing talaga sa boss ko, pero hinahayaan lang kami to venture out. Gets n'yo? So, very supportive talaga. Sabi nga niya, 'To keep yourself sane.' Baka mamaya, utang-utangan sa pulitika."
So, ayun na! At saka kung gastusan man ni Sec. Ralph ang movie ni Ate Vi, why not, eh, misis niya siyempre 'yan at proud siya lalo na't pang-international ang quality ng Uninvited na to be distributed by Warner Bros.
Also in the powerhouse cast are RK Bagatsing, Mylene Dizon, Lotlot de Leon, Gabby Padilla, Elijah Canlas, Ketchup Eusebio, Gio Alvarez, Cholo Barretto, Ron Angeles and Tirso Cruz III.
Na-appreciate namin 'yung ipinunto ni Sen. Alan Peter Cayetano sa last Nov. 17 episode ng show nila nina Sen. Pia Cayetano at Tito Boy Abunda na CIA with BA.
Binigyang-diin kasi ng senador na hindi lang dapat nila-"lang" lalo na ang ginagawa ng mga nanay na 24/7 kung magtrabaho kumpara sa mga haligi ng tahanan na 8 oras.
Napansin niya kasi kung paano madalas na minamaliit ng mga tao — lalo na ang mga ina — ang kanilang mga tungkulin sa pamamagitan ng pagdaragdag ng salitang “lang” kapag inilalarawan ang kanilang mga responsibilidad sa bahay.
“Kasi napapansin ko, ‘pag tinatanong, lalo [‘yung mga nanay], ang sagot, ‘Sa bahay,’ tapos may ‘lang,’” ani Sen. Alan.
Ipinunto niya na kinikilala ng batas ang pantay na kahalagahan ng kontribusyon ng nanay at tatay.
“Yes, nagtatrabaho ‘yung spouse, minsan 9 to 5, minsan longer. Pero ‘pag homemaker ka, 24/7 ka. Even sa batas, kinikilala na equal ang inyong kontribusyon at trabaho,” aniya.
Hinikayat niya ang lahat na kilalanin ang halaga ng kanilang ginagawa, at nagtapos sa pagsasabing, “If there’s power in words, let’s start practicing it.”
Sumang-ayon naman si Tito Boy at nagbahagi ng personal na kuwento.
“Importante talaga ‘yun,” sabi niya habang inalala ang kanyang pagkabata sa Samar. “'Pag kinukumusta kami, ako, nakalakhan ko, [na isinasagot], ‘Ito, Waray.’ It’s a way of humbling ourselves.”
Ang pag-uusap ay nagbigay-diin sa kahalagahan ng wika sa paghubog ng ating pag-iisip at kung paano natin nakikita ang ating mga tungkulin, na nagpapakita ng panawagang pahalagahan ang bawat pagsusumikap at responsibilidad.
Ang CIA with BA ay nagpapatuloy sa pamana ng yumaong Senator Rene Cayetano at napapanood tuwing Linggo, 11:00 PM sa GMA-7, may mga replays sa GTV tuwing Sabado, 10:30 PM.
Comments