top of page

Aktres, ‘di sumipot sa Parade of Stars… VICE AT NADINE, MAY TAMPUHAN DAW

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 3 days ago
  • 3 min read

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | December 24, 2025



Call Me Mother - MMFF 2025 Parade of Stars

Photo: Call Me Mother - MMFF 2025 Parade of Stars via Bulgar



Nasa ibang bansa pala si Nadine Lustre kaya hindi nakadalo sa 51st Metro Manila Film Festival (MMFF) Parade of Stars bilang isa sa mga bida ng pelikulang Call Me Mother (CMM) noong Disyembre 19 na ginanap sa Makati City.


Maraming nagtaka kung bakit wala ang co-star ni Meme Vice Ganda kaya may nabuong tsika na may tampuhan ang dalawa at kung anu-ano pa.


May nakuha kaming impormasyon mula sa Viva na may prior commitment si Nadine bago pa niya tanggapin ang CMM project at aware raw ang Star Cinema, ABS-CBN Film Productions, IdeaFirst Company at si Vice na hindi siya makakasama sa parada dahil wala siya sa bansa.


“Ang ikinatataka namin, parang ‘di man lang naglabas ng release ang Star Cinema na kaya wala si Nadine ay nasa ibang bansa. Kaya nagtataka kami bakit may negative issues. Walang issue at all. Okay sina Nadine at Vice,” ayon sa aming kausap.


Nang makarating sa amin ang balitang hindi raw okay sina Vice Ganda at Nadine Lustre ay napakunot ang noo namin dahil alam naming magkasundo ang dalawa. Knowing Meme, kapag may ayaw siya ay sinasabi niya ito at so far ay wala kaming narinig mula sa kanya.


Anyway, abangan ang Call Me Mother simula December 25 sa mga sinehan nationwide sa direksiyon ni Jun Robles Lana.



KALIWA’T KANAN ang singhot na maririnig habang pinanonood namin ang Bar Boys 2: After School (BB2AS) nitong Lunes, Disyembre 22, sa ginanap na premiere night sa Robinsons Galleria Cinema 5.


Ang mga eksenang nagtutuluan ang mga luha at pasimpleng pinupunasan ay ang lahat ng eksena ni Will Ashley na hindi na namin ikukuwento para hindi ma-preempt. Nagkaisa ang lahat ng nanood na malaki ang laban ng aktor sa kategoryang Best Supporting Actor sa darating na MMFF Gabi ng Parangal sa Disyembre 27 na gaganapin sa Dusit Hotel.


Walang itulak-kabigin sa original Bar Boys na sina Carlo Aquino, Kean Cipriano, Enzo Pineda at Rocco Nacino pagdating sa acting dahil na-maintain nila ito at magaling na sila 10 years ago.


Napaka-powerful ng karakter ni Ms. Odette Khan bilang si Justice Hernandez dahil kahit nasa ospital na at may sakit ay sa kanya pa rin humihingi ng payo ang mga naging estudyante niyang sina Carlo, Enzo, Kean at Rocco habang salitan silang nagbabantay at inaayos ang mga kailangan niya. Isa ito sa highlight ng pelikula kaya deserving siyang manalo ng Best Supporting Actress.


Huwag palampasin ang Bar Boys 2: After School simula December 25, handog ng 901 Studios sa direksiyon ni Kip Oebanda.





NAKAKATUWA ang dalawang bida ng I’mPerfect na sina Jessica at Jiro dahil paakyat pa lamang sila sa second floor ng Robinsons Galleria ay marami na ang nagpa-picture sa kanila, patunay na nakilala na sila ng mga netizens.


Tuwang-tuwa rin ang dalawang may Down syndrome actors ng I’mPerfect at sabi nila, “Artista na kami,” at yes, marunong silang mag-pose lalo na si Jessica na mega-emote at malakas ang laban para sa kategoryang Best Actress.


Samantala, tuwang-tuwa sina Jessica at Jiro dahil nakapagpa-picture sila sa main cast ng Bar Boys 2: After School (BB2AS), lalo na kay Will Ashley na binati pa ni Jiro ng “Congratulations!” sabay pakilala ng sarili.


Iisa ang sinasabi ng lahat ng nakapanood, dapat ay si Sigrid Andrea Bernardo ang manalo ng Best Director.


Anyway, abangan ang I’mPerfect sa December 25 sa mga sinehan nationwide, handog ng Nathan Studios.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page