Aktor, nagpasaklolo raw sa senador… ROBIN, NANAWAGAN SA MGA MUSLIM NA PATAWARIN SI COCO
ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | February 19, 2023

Nagsadya pala si Coco Martin sa opisina ni Senator Robin Padilla kamakailan para personal na kausapin at humingi ng paumanhin tungkol sa eksena sa FPJ’s Batang Quiapo nitong Pebrero 14, Martes, na inalmahan ng mga kapatid nating Muslim.
Umamin ang direktor-aktor at prodyuser ng Batang Quiapo na kulang siya sa kaalaman sa Islam.
Kaya naman si Senator Robin na ang nagpaliwanag sa pakiusap ni Coco tungkol dito.
Ayon sa senador, “Ako po ay humaharap sa inyo ngayong araw na ito upang magbigay ng pahayag patungkol po sa isang episode ng teleseryeng Batang Quiapo na ipinalabas noong ika-14 ng Pebrero, araw po ng Martes, na masasabi po nating tumawag sa atensiyon ng ating mga kababayan, partikular na po sa komunidad naming mga Muslim.
“Kaugnay nito, nais kong ipaalam na personal po na pumunta sa aking tanggapan si Ginoong Director Coco Martin upang ibigay po ang kanyang paliwanag sa kontrobersiyal na bahagi ng kanyang teleserye.
“Personal ko pong narinig at nakita at naramdaman ang sinserong paghingi ng paumanhin ng aking kapwa-aktor at direktor sa lahat po ng mga nasaktan sa nasabing paglalarawan.
“Mga mahal kong kapatid, ako na po ang naggagarantiya sa mabuting kalooban ni G. Coco Martin. At sigurado po akong wala siyang masamang intensiyon kanino man. Inaamin po niya na kulang ang kanyang kaalaman sa Islam, kung kaya’t sa halip po na ating kutyain ang kanyang pagkukulang, ako na po ang nananawagan po sa inyo upang atin itong sama-samang bunuan.
“Sampu po ng mga bumubuo ng Batang Quiapo, sila naman po ay nangangako na mas magiging maingat at sensitibo sa pagsasalarawan ng mga sektor lalo’t higit po kung nakasalalay dito ang imahe ng kultura, tradisyon, at maging relihiyon.”
“Ang atin pong dalangin, nawa’y samahan pa tayo ng lahat ng industriya sa bansa upang matuldukan na natin sa wakas ang hindi magandang stereotype patungkol sa mga Muslim, at paniniwalang Islam. In sha Allah.”

Magkakaroon na uli ng The Manila Film Festival sa lungsod ng Maynila pagkalipas ng 29 years, kung hindi kami nagkakamali, simula nang mawala ito noong 1994 dahil sa iskandalong kinasangkutan noon nina Gabby Concepcion at Ruffa Gutierrez bilang ipinanalong Best Actor at Best Actress, gayung ang talagang panalo ay sina Edu Manzano at Aiko Melendez na ngayon ay konsehala ng 5th District of Quezon City.
Si Manila Vice-Mayor Yul Servo ang nag-suggest na muling ibalik ang Manila Film Festival at para maging tunog bago ay dinagdagan ng ‘The’, kaya tawang-tawa ang ginoo nang tanungin siya kung ano ang bago sa TMFF 2023.
Pero siyempre, hindi naman ito mangyayari kung wala ang partnership ng Manila government kay Ms. Edith Fider, president ng Saranggola Media Productions na producer ng mga pelikulang Damaso, Tatlong Bibe, Suarez: The Healing Priest, Ayuda Babes, at Yorme: The Isko Domagoso Story.
“Siya po ang naging katuwang namin at siya po ang magbibigay ng grant para sa walong mapipiling screenplays na kasama sa The Manila Film Festival. Matagal na pong nawala ang Manila Film Festival at dahil sa aking energetic partner, (VM) Yul Nieto Servo, ay sila pong dalawa (ni Ms. Edith) ang nag-conceptualize para sa pagbabalik ng TMFF,” bungad ni Manila Mayor Honey Lacuna sa ginanap na launching at Memorandum of Agreement signing.
Ayon kay Ginang Edith Fider, “Sabi ko po kay Mayora, gaining back na ito sa akin. Batang Maynila po ako and because of mentors since I was a child, nakuha ko ‘yung passion at kung ano po iyong gusto kong gawin sa buhay ko and this is filmmaking. Maliit lang na production (Saranggola) pero somehow, malalaking pelikula naman po ‘yung mga nagagawa namin, awa ng Diyos.”
At bilang producer ay marami na ring nakilala si Gng. Edith na kapwa niya producer at nang banggitin niya ang project na ito for The Manila Film Festival ay halos lahat ay gustong tumulong at magbibigay din ng grant.
“Ang mga filmmakers na kagaya ko ay willing sila to adopt participants para i-produce nila at that’s one achievement kasi may mga partners na rin kaming mga producers na willing to join hands in Manila para sa endeavor na ito,” sabi pa ng producer.
May mga nakausap na ring talent managers at actors na willing ding mag-participate at hindi pag-uusapan ang talent fee.
Sabi ni Ms. Edith, “Kung hindi man libre, may konting honorarium.”
Ang deadline ng submission of screenplay entries via e-mail ay sa Marso 10 sa ganap na 11 PM at ipadala sa themanilafilmfesival@gmail.com.
Sa March 20 ang announcement ng selected eight entries, awarding of first tranche of production grants at assignment of mentors.
Sa June 2 naman ang submission of completed film and teaser. Sa June 3-24, promotion period at sa June 17 ang film screening. Ang petsa ng awarding of prizes ay to follow.





Comments