Aktor, na-depressed sa hiwalayan, nag-suicide… DIEGO, UMAMING SI SOFIA ANG TOTGA
- BULGAR
- 13 hours ago
- 3 min read
ni Melba R. Llanera @Insider | July 16, 2026

Photo: IG _diegoloyzaga & _iamsofiaandres
Isa kami sa madalas sumulat noon tungkol sa nakaraang relasyon nina Sofia Andres at Diego Loyzaga kaya hindi na kami nagulat sa naging rebelasyon ng aktor sa pakikipag-usap niya sa Maddox Jewelry owner na si Ms. Charo Cordial na si Sofia pala ang itinuturing niyang TOTGA o “the one that got away”.
Maalab, emosyonal, at masalimuot ang naging relasyon ng dalawa, kung saan naituro ngang ang kanilang paghihiwalay at depresyon ang naging dahilan ng nabalitang attempted suicide ng aktor noong 2018.
Pero bukod kay Sofia ay nabanggit din ni Diego na may isa pa siyang kinokonsiderang TOTGA, pero hindi na lang ito pinangalanan ng aktor.
Inamin din niya na lubhang nakapagbigay ng pressure sa kanya noon ang pagiging anak nina Teresa Loyzaga at Cesar Montano, kung saan naapektuhan siya sa mga nagsasabing kailangan niyang patunayan ang sarili sa industriya.
Sa ngayon ay mas pokus at mas positibo na si Diego, at malaking dahilan nito ang kanyang anak na nagsisilbing inspirasyon sa kanya para mas pagbutihin pa ang pagtatrabaho at itama ang mga nagawang mali sa buhay.
Sa naturang interview ay ipinagtapat din ni Diego na mayroon siyang biniling diamond earrings na regalo sana niya sa babaeng minamahal, pero hindi ito tinanggap ng babae dahil mas gusto umano nito ang luxury bag.
Dahil dito ay napagpasyahan niyang ipa-trade ang diamond earrings sa Maddox Jewelry habang naghahanap ng iba pang alahas.
Mula sa box-office success ng kanilang Metro Manila Film Festival movie na Rewind na kumita ng P924 million worldwide, balik-tambalan ang mag-asawang Dingdong Dantes at Marian Rivera sa pelikulang Remember na kinunan pa sa Quebec, Canada.
Para sa Family Feud (FF) host, laging napakasarap sa pakiramdam na makapunta sa ganito kagandang lugar, lalo na’t kasama niya ang kanyang misis.
Ayon kay Dingdong, tuluy-tuloy ang shooting nila at malapit-lapit na rin itong matapos na tiyak na ngayon pa lang ay inaabangan na ng mga DongYan fans.
Tinanong namin si Dingdong kung hindi ba siya nakakaramdam ng pressure dahil tiyak na aasahan ng iba na hihigitan ng Remember ang kinita ng Rewind, at mas maganda dapat ang istorya.
Ayon sa Kapuso actor, ang pokus lang nila ay magampanan nang maayos ang kanilang mga role at maitawid nang maayos ang pelikula.
Dagdag pang pahayag ni Dingdong, kahit noong ginagawa nila ang Rewind ay hindi sila nagpadaig sa pressure dahil naniniwala silang kapag nagpa-pressure sila ay maaaring malihis sila sa kanilang layunin na makagawa ng isang magandang pelikulang magugustuhan ng publiko.
Napapanood ngayon bilang Atoy sa Kapuso primetime series na The Master Cutter (TMC), siniguro ni Dingdong na marami pang dapat abangan sa pinagbibidahan niyang serye lalo’t nagkikita na sila nina Elaine/Audrey (Max Collins) at Ibyang (Sienna Stevens).
Nahingan din namin ng reaksiyon si Dingdong sa naging pahayag ng all-girl group na Baby Dolls na siya ang gusto nilang maka-collaborate sa hit nilang Oohh Lala Baby.
Agad namang umoo ang Kapuso actor at sinabing aaralin muna niya ang mga steps na una niyang nakita sa kanyang misis.
NANG huli naming makita ang singer-songwriter na si Moira Dela Torre sa nakaraang 17th Star Awards for Music, kung saan siya itinanghal na Female Recording Artist of the Year, mukhang naka-move on na siya sa mga mabibigat na pinagdaanan niya sa buhay.
Sa ngayon ay may sarili na siyang management na siyang nagha-handle sa kanyang singing career.
Ayon kay Moira, marami siyang natutunan mula sa Cornerstone, ang dati niyang management, at nagpapasalamat siya sa tiwala at pag-aalaga na ginawa ng mga ito sa kanya noong nagsisimula pa lang siya.
Pahayag sa amin ni Moira, mukhang lahat ay naka-move on na, nag-mature, at kung anumang sugat ang nangyari ay napaghilom na ng panahon.
Ipinarinig din sa naturang event ang kanta niyang Sa’n Ka Na, na kung liriko ang papakinggan ay tiyak na maiisip ng iba na baka patama ito sa dating mister na si Jason Marvin.
Para kay Moira, bilang singer at songwriter ay wala na siyang kontrol sa maaaring isipin o sabihin ng ibang tao kapag may kanta siyang nailabas.
Samantala, pansamantalang namahinga si Moira dahil mukhang nag-ipon muna ng mga bagong kanta na mapapakinggan ng publiko.
Isa sa nakakapagpa-excite sa kanya ay ang collaboration nila ng Parokya ni Edgar lead singer na si Chito Miranda na matagal na niyang pangarap na maka-collab.

