Aktor, kaya nang mag-solo... KIM,' DI NA KAWALAN KAY XIAN
ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | May 26, 2023

Noong baguhan pa lamang sa showbiz ang aktor na si Xian Lim ay hindi kami kumbinsido sa pag-arte nito at feeling nga namin ay hindi ito seryoso sa kanyang showbiz career.
Hindi naman maipagkakaila na ang kanyang long-time girlfriend na si Kim Chiu ang naging daan upang sumikat at makilala siya nang husto.
Medyo may pagka-aloof at suplado rin ang dating ni Xian kaya naman malayo ang loob sa kanya ng ilang media people.
Hindi siya tulad ng ibang aktor na super friendly at matsika sa mga reporters. Pero, nang mapanood namin ang ilan sa mga pelikula niya, napansin namin na nakakaarte rin pala si Xian.
At mismong si Star for All Season Vilma Santos na ang nagsabing magaling siyang aktor dahil nagkasama na ang dalawa sa isang pelikula.
Ngayon nga ay tuluyan nang nakawala si Xian sa anino ng GF na si Kim. May sarili na siyang identity at kinukuha siya sa mga proyekto dahil sa husay niya bilang aktor.
Habang tumatagal ay lalong lumalabas pa ang galing ni Xian sa pag-arte. Muli nga nitong pinatunayan ang professionalism niya sa seryeng pinagtambalan nila ni Ashley Ortega na Hearts On Ice sa GMA-7.
Inamin din ng aktor na isa ito sa mga pinakamahirap na roles na kanyang ginampanan sa buong showbiz career niya. Gumanap si Xian bilang figure skater at kinailangan nga niyang sumabak sa ilang training para rito.
Talagang nag-aral si Xian ng ice skating upang maging realistic ang kanyang ginampanang character sa nasabing serye.
Hindi na lamang kuntento si Xian sa pagiging aktor dahil lumilinya na rin siya sa pagdidirek at pagsusulat ng mga scripts.
Bukod pa roon, marami pang gustong matutunan na ibang trabaho si Xian sa showbiz kaya tiyak na magtatagal ang kanyang career.





Comments