Aksyon sa Senado, tuloy ang serbisyo
- BULGAR
- Aug 19, 2022
- 4 min read
ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | August 19, 2022
Sumabak tayo ngayong linggo sa mga gawain sa Senado dahil sinimulan na ng iba’t ibang committee ang kani-kanilang organizational meeting and briefing. Mahalaga ito dahil nasusubaybayan natin ang mga ginagawang aksyon ng pamahalaan, natutukoy natin ang mga isyu na kailangan ng legislative action at nakakakuha tayo ng mga tamang impormasyon para makapaghanda at magkaroon ng karampatang aksyon sa Senado.
Bilang Chair ng Senate Committee on Health and Demography, sa ating komite ay tinalakay namin—kabilang ang mga health officials at iba pang stakeholders—ang public health situation, implementasyon ng Universal Health Care Law at kung paano tuluyang makokontina ang COVID-19, dengue at ang banta ng monkeypox at Langya virus, maging ang pagpapalakas pa sa ginagawang vaccine rollout ng pamahalaan at walang dapat masayang na bakuna.
Tiniyak din na ang magiging aksyon ng Health Committee ay naaayon sa mga prayoridad na panukalang batas ng kasalukuyang administrasyon gaya ng mga nabanggit ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. sa kanyang unang SONA. Tumutugma naman ang karamihan sa ating prayoridad na panukalang batas sa gustong mangyari ng Pangulo tulad ng paglikha sa Center for Disease Control and Prevention, ng Virology Science and Technology Institute of the Philippines at pagbuo ng Medical Reserve Corps.
Kabilang din sa ating ginagawang paghahanda ang patuloy na pagtatayo ng mga Super Health Centers sa buong bansa. Sinilip din natin kung maayos na naiimplementa ang Malasakit Centers Act na aking iniakda at inisponsor noong nakaraang 18th Congress.
Bilang Vice-Chair naman ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, masaya tayo na ipagpapatuloy ng kasalukuyang administrasyon ang kampanya laban sa ilegal na droga. Isinumite na natin sa Senado ang Senate Bill No. 428, na kung maisasabatas ay magtatayo ng drug abuse treatment and rehabilitation center sa bawat probinsya na tutulong at gagabay sa mga nalulong sa droga para makaalis sa bisyo at makabalik sa normal na pamumuhay, sa kanilang pamilya at sa ating lipunan.
At dahil miyembro tayo ng Senate Committee on Public Information and Mass Media, na pinamumunuan ng ating kaibigan na si Sen. Robinhood Padilla, umapela tayo sa publiko na sama-samang labanan ang paglaganap ng fake news. Napakarami pong fake news ngayon, at tungkulin natin na pigilan ito para ang mga nakararating na balita at impormasyon sa mga tao ay totoo, makabuluhan at makatutulong sa kanila.
Samantala, noong Miyerkules, Agosto 17 ay sinegundahan natin ang privilege speech ng aking butihing kapwa senador, Raffy Tulfo, na siyang chair ng bagong Senate Committee on Migrant Workers. Ilang dekada ring ipinaglaban ng mga OFWs ang pagkakaroon ng sariling departamentong mangangalaga sa kanila. Kaya mabuti na naisabatas natin noong nakaraang 18th Congress ang pagtatayo ng Department of Migrant Workers na ating iniakda at naging co-sponsor.
Sa pagkakaroon ng bagong Senate committee on Migrant Workers, mas matututukan ang mga kababayan nating OFWs na itinuturing na ating modern-day heroes. Hangad nating maiiwasan na ang mga pang-aabuso sa kanila at mapait na karanasan, katulad ng mga tinulungan natin noon na sina Roderick Aguinaldo, Rose Policarpio, Malik Darimbang, mga masahistang inabuso sa Kuwait, at iba pang mga kababayan na tinugunan natin ang kanilang mga suliranin sa malalayong lugar.
Sa kabila ng ating pagiging abala sa tungkulin, tuluy-tuloy ang isinasagawang relief effort sa mga kababayan nating higit na nangangailangan.
Tulad ng dati ay maagap nating inabutan ng tulong ang mga naging biktima ng sunog. Sinaklolohan natin ang humigit-kumulang 200 pamilya sa Bacoor City, Cavite na aking personal na pinuntahan noong Linggo; 46 na residenteng nasunugan sa Buenavista, Quezon; gayundin ang 43 pamilya sa Brgy. Duljo-Fatima, pito sa Bgy. Barrio Luz, at isa sa Bgy. Capitol Site sa Cebu City; siyam sa Bgy. Zamora, at walo sa Brgy. Zamora-Melliza sa Iloilo City; dalawa pa sa Bgy. Pispis at Linab, Maasin, Iloilo; 11 sa Malaybalay, Bukidnon; at 23 naman sa Taguig City.
Maagap din tayong umalalay sa 104 benepisaryo na biktima naman ng diarrhea outbreak sa Bgy. Toril Proper, Davao City. Sumaklolo tayo sa 30 residente ng Talaingod, Davao del Norte na biktima ng landslide, habang 935 na biktima ng lindol ang naayudahan sa San Emilio at Santa Maria sa Ilocos Sur.
Hindi rin natin kinalimutan ang paghahatid ng ayuda sa mga kababayan nating nakararanas ng iba’t ibang krisis sa buhay. Napagaan natin ang dalahin ng 1,667 mahihirap na residente ng Angeles City, at 350 sa Mexico, Pampanga; 1,053 sa Taytay, Rizal; 1,000 sa Dasmariñas City, Cavite; at 1,604 sa Danao, Bohol. Sa Iloilo ay napasaya natin ang 600 benepisyaryo mula sa Dumangas, 302 sa Sara, 68 sa Pavia at 63 pa sa Leon.
Sinuportahan din natin ang kabuhayan ng 100 micro-entrepreneurs sa Alimodian, Iloilo, habang 1,600 na benepisyaryo naman ang nakatanggap ng tulong mula sa San Andres, Gumaca at Calauag sa probinsya ng Quezon.
Tuluy-tuloy ang serbisyo ng inyong Kuya Bong Go para sama-sama at walang maiiwang Pilipino sa pagkakamit natin ng mas komportableng buhay.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.








Comments