top of page

AirBadminton o outdoor game dinala na ng PBA sa Pilipinas

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 29, 2020
  • 2 min read

ni Anthony Servinio - @Sports | September 29, 2020




Sinusulong ngayon ng Philippine Badminton Association (PBA) ang AirBadminton, isang bagong uri ng laro na puwedeng laruin sa panahon ng new normal. Kumpara sa nakasanayang Badminton, ang AirBadminton ay mas nababagay na laruin sa labas sa semento, damo o buhangin at walang pagbabago sa sukat ng korte at taas ng net.


Kamakailan ay pinasubok ito sa mga nangungunang kasapi ng pambansang koponan na sina Ros Pedrosa at Sarah Barredo at nagustuhan nila ito. Nanibago lang sila dahil sa kakaibang gamit na AirShuttle na gawa sa plastik at hindi sa balahibo ng gansa.


Mas mabigat ito ng tatlong gramo kumpara sa dating shuttlecock kaya dapat ayusin ng kaunti ang higpit ng tali sa raketa. Ayon kay Barredo, kailangan ay bawasan ang lakas ng palo kundi lilipad ito palabas ng korte o baka matamaan ang kalaro.


Sa pangkalahatan, mas mabilis ang laro ng AirBadminton. Isang pang malaking pagkakaiba ay magkakaroon ng larong Triples o tatlong magkakampi maliban sa nakagawiang Singles at Doubles.


Tingin ni Pedrosa na kakagat ang AirBadminton at marami ang maaakit na subukan ito. Dagdag ni PBA President Alfredo “Albee” Benitez, magkaiba talaga ang dalawang uri ng laro kay magtatatag sila ng mga hiwalay na koponan.


Ayon sa World Badminton Federation (WBF), tinataya na 300 milyon ang naglalaro sa buong mundo at umaasa na darami ito dahil sa AirBadminton. Mas madaling laruin ito dahil puwede ang disiplina sa kahit anong patag na lugar at hindi na kailangan dumayo sa mga korte na karaniwan ay kailangan din magbayad.


Tinataya na 450 calorie ang nasusunog sa isang oras ng paglalaro ng Badminton o AirBadminton. Sa panahon ng pandemya, kailangan magkaroon ng bagong libangan upang mapanatili ang lakas at lusog na katawan at pag-iisip upang makatulong na malampasan ito.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page