AI sa klase, dapat katuwang lang sa mga guro at estudyante
- BULGAR

- Aug 3
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | August 3, 2025

Sa panahong AI na ang bukambibig ng mundo, hindi dapat tayo padalos-dalos. Mahusay at mabilis ang artificial intelligence (AI), pero kung ito’y gagamitin ng walang pag-iingat, baka mauwi ito sa hindi tama.
Ganoon din ito sa pag-aaral, maaaring hindi pa handa ang ating mga paaralan, guro, at higit sa lahat ang ating mga estudyante. Hindi sapat na may access sa teknolohiya, kailangang may direksyon, disiplina, at tamang pagkakaangkop sa pangangailangan ng bawat mag-aaral.
Ayon kay House Committee on Basic Education chairperson Roman Romulo, may mga benepisyo nga ang AI, pero kailangan munang pag-isipan kung sino talaga ang dapat makinabang sa teknolohiyang ito. Aniya, hindi ito dapat ibigay nang sabay-sabay o pantay-pantay sa lahat, may tamang level depende sa estudyante na kailangang bigyan ng AI.
May ilang preliminary studies, gaya ng sa Boston, na nagpapakitang hindi ito para sa lahat. Dahil kahit gaano ka-high-tech, kung hindi alam ng estudyante kung paano mag-isip at magsuri, mawawalan din ito ng saysay.
Binanggit din ni Romulo ang kahalagahan ng traditional learning upang mahasa ang critical thinking ng mga bata. Giit niya, ito ang batayang kakulangan ng marami ngayon, dahil ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority, 70.8% lang sa mga Pilipino na may edad 10 hanggang 64 ang functionally literate, kahit 93.1% sa kanila ay marunong magbasa, magsulat, at magbilang. Ibig sabihin, kulang sa pang-unawa kahit may kakayahang bumasa.
Kaya naman ang pagsabak sa AI ay dapat sabayan ng programang gaya ng ARAL ng Department of Education. Isang inisyatibo na nagbibigay ng libreng tutorials sa mga nahihirapan sa reading, math, at science. Kapag nalinang na ang functional literacy, doon pa lang dapat agresibong ipasok ang computer technology sa edukasyon.
Para naman kay Dr. Majah-Leah Ravago ng SEAMEO Innotech, ang AI ay dapat ituring na assistant lamang, hindi kapalit ng guro. Puwede itong tumulong sa paggawa ng lesson plan o administrative tasks para mas maka-focus ang mga guro sa pagtuturo. Kaya kung gagamitin ng tama, magiging katuwang ito sa pagpapalalim ng pagkatuto.
Sa ganang akin, ang AI ay hindi dapat ituring na kaaway ng edukasyon, kundi isang tool na kailangang gamitin nang responsable. Pero bago natin isama ang AI sa buong sistema, tiyakin munang may pundasyon na ng wastong pag-aaral, pag-iisip, pag-unawa, at disiplina ang bawat estudyante. Dahil kahit gaano kaganda ang teknolohiya, kung hindi handa at bihasa ang gumagamit, wala rin itong silbi o maaaring magamit pa sa masama.
Marahil, ang pagsulong ng AI ay tila pagbabago na ‘di mapipigil. Subalit, ang tunay na progreso ay nasa kalidad ng pagkatao, hindi lang sa bilis ng paraan.
Ang edukasyon ay dapat malalim, may puso, hindi puro letra o numero at teknolohiya lamang. Mas mahalaga pa rin ang guro na mahusay magpaliwanag at estudyanteng marunong mag-isip. Ang magandang kinabukasan ay ‘di lang nasusukat sa talino, dapat ito ay may oportunidad sa pagkatuto bukod sa academics, at sa kung paano nito hinuhubog ang isang indibidwal.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments