top of page

Aged garlic at broccoli sprouts, mainam na immune system boosters

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • May 12
  • 3 min read

ni Dr/Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | May 12, 2025





Sa nakaraang artikulo ng Sabi ni Doc ay pinag-usapan natin ang isang pagkain na nagpapalakas ng ating resistensya o immune system. Ang mga pagkain na nag-stimulate ng ating immune system upang ito ay mas lumakas o maging mas aktibo na tinatawag din na “immune booster”.


Dahil sa hindi lamang ang mushroom ang pagkain na itinuturing na immune booster ay ipagpapatuloy natin sa artikulo ngayon ang talakayan sa mga pagkain na nagpalakas ng immune system, ayon na rin at sagot natin sa katanungan ni Ronaldo, tagasubaybay at mambabasa ng BULGAR at ng Sabi ni Doc column.


Ang pangalawang itinuturing na pagkain na napatunayan ng mga scientific researchers na isang immune booster ay ang “aged garlic”. Ang garlic o bawang sa salitang Tagalog, ay matagal ng ginagamit bilang ingredient sa pagkain at isang health remedy. Noong unang panahon ay ginagamit ito ng mga Griyego (Greeks) upang palakasin ang kanilang mga sundalo at mga atleta. Inihahalo rin nila ito sa kanilang mga health tonics na pampalakas ng katawan.


May iba’t ibang paraan ng paggawa ng aged garlic. Ang isang paraan ay ang pagpapainit sa garlic sa temperatura na 60 degrees Centigrade sa loob ng apat na linggo. Ang aged garlic ay walang amoy ngunit nananatili ang mga sangkap nitong bioactives, katulad ng “apigenin” na nakakaapekto sa ating immune system.


Sa isang clinical trial ng mga researchers sa University of Florida kung saan pinag-aralan ang epekto sa immune system ng aged garlic ay nakita ng mga researchers na ang mga kumain ng aged garlic ay may significant na mas mataas ang dami ng mga immune T cells at Natural Killer (NK) cells at mas mabilis ng walong beses itong dumami kaysa sa mga hindi kumain ng aged garlic. 


Ang mga immune T cells at Natural Killer cells ay kasama sa ating immune system na lumalaban sa iba’t ibang uri ng sakit katulad ng impeksyon at cancer. Mas kaunti rin ang mga nagkasakit sa mga research participants. Ang research na ito ang nagpakita ng paglakas ng ating immune system sa pamamagitan ng pagdami ng mga immune cells sa ating katawan at nabawasan ang pagkakasakit ng mga indibidwal na kumakain ng aged garlic. Mababasa ang resulta ng pag-aaral na ito sa Clinical Nutrition Journal na inilathala noong taong 2012.


Sa isang study naman sa bansang Japan ng mga dalubhasa sa Kyoto Prefecture University of Medicine kung saan pinag-aralan ang epekto ng aged garlic sa immune system ng mga pasyente na itinuturing na may inoperable cancer na. Matapos ang anim na buwan na kumakain ng aged garlic ay dumami ang mga Natural Killer cells nila na panlaban sa cancer. Dahil sa resulta ng study na ito, pinag-aaralan ng mga dalubhasa ang posibleng paggamit ng aged garlic o mga sangkap nito sa paggamot ng cancer. Basahin ang resulta ng research na ito sa Journal of Nutrition, Volume 136, No. 2, na nailathala noong 2006.


Ang broccoli sprouts ay isa pang halimbawa ng pagkain na itinuturing na isang potent na immune booster. Ang broccoli sprouts ay tatlo o apat na araw na bagong tubo lamang na broccoli. Ang broccoli sprouts ay may one hundred times na sulforaphanes, isang potent na bioactive kumpara sa isang full grown broccoli.


Sa isang clinical trial na isinagawa ng mga researchers mula sa Stanford University, University of North California at University Children’s Hospital Basel sa bansang Switzerland ay nakitaan ng mas maraming Natural Killer T cells (22 times more) ang mga kumain ng broccoli sprouts kumpara sa mga hindi kumain ng broccoli sprouts. Mas mataas din ang killing power ng mga immune cells. Ang pag-aaral na ito ay isinagawa sa mga participants na nakatanggap ng flu vaccine. Makikita ang resulta ng study na ito sa PLOS One journal na nailathala noong taong 2016.


Tandaan lamang na kung kakain ng broccoli sprouts ay kinakailangang nguyain ito ng mabuti. Ang pagnguya ay nagri-release ng enzyme na myrosinase mula sa mga sprouts at nagko-convert sa inactive sulforaphane sa active form nito. Ang active sulforaphane ang nagpapalakas ng ating immune system.


Ipagpapatuloy natin ang ating talakayan tungkol sa mga pagkaing immune boosters sa susunod na artikulo ng Sabi ni Doc.



Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page