Agawan sa 3RD Leg Triple Crown sa Metro Turf
- BULGAR
- Jul 8, 2023
- 1 min read
ni Green Lantern @Renda at Latigo | July 8, 2023
Determinado ang mga trainer at hinete na masikwat ang korona sa 2023 PHILRACOM 3rd Leg Triple Crown Stakes Race na ilalarga sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City sa Batangas sa Hulyo 16.
Kaya naman puspusan ang kanilang paghahanda at pag-ensayo sa pambato nilang kabayong isasali sa nasabing prestihiyosong event para sa mga batang kabayo.
Markado sa nasabing karera sina La Trouppei at Jaguar na nagwagi sa first leg at second leg ayon sa pagkakasunod.
Pero posibleng may ibang puwedeng kumuha ng panalo dahil mas mahaba ang distansiyang paglalabanan sa nasabing stakes race na may 2,000 meter race.
Nakalaan ang P3.5M guaranteed prize na ikakalat sa unang apat na kabayong tatawid sa meta sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.
Maliban kina La Trouppei at Jaguar, ang ibang nagsaad ng paglahok ay ang Boat Buying, Earli Boating, Easy Does It, Going East, Istulen Ola, Keep Da Trick at Secretary.
Sisikwatin ng mananalong kabayo ang P2.1M, mapupunta sa second placer ang P787,500, iuuwi ng tersero ang P437,500 habang P175,000 ang sa fourth.
Ibubulsa ng breeder ng winning horse ang P175,000 habang tig-P105,000 at P70,000 ang sa second at third. Dahil sa laki ng premyo ay inaasahang puspusan ang pag-ensayo ng mga sasali upang masilo ang inaasam na panalo at mahalagang nakataya.
Samantala, pakakawalan din ang 3-Year-Old Locally Bred Stakes Race at Hopeful Stakes Race ngayong Hulyo kaya masisiyahan ang mga karerista sa kanilang paglilibang ngayong buwan.





Comments