top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Agarang ayuda para sa mga biktima ni 'Karding'

BULGAR
Sep 30, 2022
3 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | September 30, 2022


Noong kasagsagan nang pananalasa ng Bagyong Karding ay pinakamatindi ang naranasan ng Polillo Island na naging dahilan para ipag-utos ng Quezon provincial government ang forced evacuations sa coastal at landslide-prone areas.


Ang kautusan para sa mga residente ng Polillo, Burdeos, Panukulan, Patnanungan at Jomalig na lahat ay bahagi ng Polillo Group of Islands matapos makumpirma na ang Bagyong Karding ay isa ng super typhoon.


Ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang Bagyong Karding ay umabot sa Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 4 na sumakop ang lakas sa buong Polillo Island.


Ang resulta maraming kabahayan, pananim at kabuhayan ang nawasak matapos na dalawang ulit mag-landfall ang naturang bagyo at maging ang Philippine Coastguard sa Northern Quezon ay sinuspinde ang lahat ng biyahe ng mga bangka at iba pang magdaragat.


Dahil dito ay labis na naapektuhan ang kabuhayan ng mga residente, partikular ang mga nasa coastal area na walang makain dahil sa hindi makapunta sa laot ang mga mangingisda na tanging kabuhayan ng buong lugar.


Naubliga rin ang mga lokal na opisyal na pansamantalang ilikas ang mga residente sa itinalagang evacuation center tulad ng covered court, mga barangay hall at paaralan dahil din sa banta ng storm surge sa mga coastal areas.


Mabuti at wala namang buhay na nawala sa naturang lugar dahil sa maagang paghahanda na isinagawa ng lokal na pamahalaan, ngunit hindi nakaligtas sa pagkasira ang maraming bahay, pananim at iba pang kabuhayan.


Dahil dito ay agad akong nagtungo sa naturang lugar kasama ang aking buong team upang agad na makapagbigay ng ayuda sa mga biktima ng nagdaang Bagyong Karding kung saan kauna-unahan at tanging tayo lamang ang halal na opisyal na nakarating sa sinalantang lugar.


Alas-7:30 pa lamang ng umaga ay lumapag na tayo sa Polillo Central Elementary School at bitbit ang kahon-kahong food packs na ating inihanda at mabilis tayong nakipag-ugnayan kay Polillo Mayor Angelique E. Bosque.


Namahagi rin kami ng tig-5,000 cash sa mga labis na naapektuhan upang kahit paano ay may maipantawid sila sa kani-kanilang gastusin at maayos naman naming natulungan ang nabanggit na lugar.


Sa ilang sandaling pakikipagpulong natin kay Mayor Bosque ay dito natin nakumpirma na ang sa dinami-rami ng mga barangay na apektado ay labis na nasalanta ang mga Barangay Salipsip, Taloom, Binibian, Libjo, Judid at Sampaguita.


Mahigit sa 4,000 pamilya ang nawasak ang tahanan at 31 indibidwal ang naapektuhan ang kabuhayan kaya inuna natin ang mga nabanggit na lugar na bigyan ng food packs upang may maipantawid sa kumakalam nilang tiyan.


Ganito rin ang naging karanasan namin nang magtungo naman kami sa bayan ng Burdeos na katabing bayan lamang ng Polillo sa naturang lalawigan din at personal naman kaming inasikaso ni Burdeos Mayor Ferdie Aman.


Sa ilang sandaling pakikipagpulong namin sa tanggapan ni Mayor Aman ay nabatid naman na marami rin ang mga barangay na naapektuhan ng bagyo ngunit labis na nasalanta ang mga Barangay Amot, Anibawan, Bonifacio, Cabugao, Cabungalunan,Calutcot, Caniwan, Carlagan, Mabini, Palasan, Poblacion at San Rafael.


Sa kabuuan ay mayroong 6,166 kabahayan ang buong bayan at umabot sa 1,684 ang hindi gaanong nawasak samantalang nasa 1,389 ang mga bahay na hindi na mapapakinabangan dahil sa lakas ng tumamang hangin.


Kaya isinunod namin ang pamamahagi ng kahun-kahong food packs sa tulong ni Mayor Aman at nagbigay din kami ng tig-5,000 cash sa mga nawalan ng tahanan at kabuhayan dahil sa pananalasa ng bagyong nabanggit.


Isa sa mga nakapagpawala ng ating pagod ay dahil sa dami ng mga taong mas inuuna pa ang pagpapakuha ng picture sa atin gamit ang kani-kanilang cellphone kumpara sa ipinamamahagi namin cash at relief goods at kitang-kita rin ang ngiti ng kanilang kasiyahan kaya isa-isa natin silang pinagbigyan.


May mga nagbibiro na kahit naluluha ay ipinagsisigawang kahit umano nasira ang kanilang bahay ay masaya sila dahil sa kauna-unahang pagkakataon ay nadalaw ko umano ang kanilang lugar at malaking bagay umano ito para maibsan ang lungkot na kanilang nararanasan.


Samantala, sa susunod na araw ng Linggo ay nakatakda naman kaming magtungo sa Jaen, Gapan, San Leonardo, San Antonio, Sta. Rosa at Cabanatuan City na pawang mga bayan na nasalanta rin ng bagyong Karding sa Nueva Ecija upang mamahagi ng tulong.


Malapit sa akin ang Nueva Ecija dahil dito nagmula ang kuwentong ilang ulit ko nang ginawan ng pelikula—ito ang ALYAS POGI, BIRADOR NG NUEVA ECIJA-1990, ALYAS POGI 2-1992 AT ALYAS POGI-ANG PAGBABALIK na ngayon ay marami ang humihiling na gumawa umano ako ng Part 4 pero pinag-iisipan ko pa.


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page