After padalhan ng death threat… BAHAY NINA ANGELIKA, PINASOK NG MAGNANAKAW, WALANG NAWALA
ni Beth Gelena - @Bulgary Files | July 10, 2022

Kinumpirma ng actress-politician na si Angelika dela Cruz na nilooban ang kanilang bahay kamakailan.
Sa kabila ng lahat, labis siyang nagpapasalamat dahil ligtas ang ina at kapatid niyang si Mika dela Cruz.
“Sa mga nagtatanong po, totoo po 'yan… Nagpapasalamat po ako sa mga tanod ng Barangay Longos at mga pulis sa agarang responde at nahuli po ang tao. Salamat din po sa Diyos at walang nangyaring masama sa mommy ko at kay Mika,” saad ni Kapitana sa kanyang Facebook account.
Biyernes nang madaling-araw nang pasukin ng magnanakaw ang kanilang bahay. Dumaan umano ito sa isang spot na hindi kita ng CCTV.
Wala naman daw nawala at nahuli na rin ang salarin.
“OK naman sina Mommy at Mika, sobrang ninerbiyos lang. Magkausap kami sa cellphone buong time na nandu'n ‘yung tao sa loob ng bahay hanggang sa nahuli. Grabeng stress na inaabot ko. Hayyyy! Sa mga ganitong oras ko hinahanap-hanap si daddy."
Ayon sa inilabas na balita ng Barangay Longos, ang kapatid ng aktres-cum pulitiko ang nakahuli sa magnanakaw, si Stephen Ramos, edad 19 na taga-Barangay Bagumbayan, Navotas City.
Napapatanong naman ang mga netizens, "Marami bang galit kay Angelika? May kalaban ba siya sa pulitika?"
Kamakailan lang ay may death threat na natanggap ang aktres-pulitiko. May nagpadala sa kanya ng apat na bala ng baril. Meaning, may nagbabanta sa kanyang buhay.
Ngayon, hindi lang siya ang pinupuntirya kundi maging ang kanyang pamilya.
Sa ganang amin, siguro, dapat nang lumipat sina Angelika ng tirahan para makaiwas na sa gulo hangga't maaga.





Comments