top of page
Search
  • BULGAR

After ng ‘Walang Matigas’, next ‘Alyas Pogi 4’

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | May 8, 2024



Anak ng Teteng ni Bong Revilla Jr.


Marami ang nalungkot dahil magwawakas na ang 14 na episodes ng ‘Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis’ Season 2 na binuo ng 26 episodes mula Season 1 na tinutukan linggu-linggo ng ating mga tagasubaybay.


Mababago na umano ang kanilang routine pagsapit ng alas-7:15 ng gabi tuwing Linggo dahil hindi na nila mapapanood ang ‘Walang Matigas’ na naging bahagi ng buhay ng maraming pamilyang Pinoy.


Dahil dito ay nais kong pasalamatan ang maraming tagasubaybay na hindi bumitaw mula sa Season 1 hanggang Season 2, kaya nanatiling mataas ang ating ratings na umabot ng 10.1 rating kumpara sa kasabay na Voice teens na 6.0 base sa inilabas ng Nielsen Phils.


Sobra-sobra talaga ang pasasalamat ko sa marami nating kababayan na hanggang sa ngayon ay hindi pa rin natitinag sa pagsubaybay sa atin mula pa nang isinapelikula natin ang ‘Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis’ na si Lani Mercado ang ating leading lady kasama si Tessie Tomas na isang block buster movie.


Hanggang sa gawin na itong TV series sa GMA 7 na ang inyong lingkod pa rin ang bida bilang si Major Bartolome ‘Tolome’ Reynaldo at ginampanan naman ni Beauty Gonzalez ang dating role ni Lani.


Nakakatuwa na tinanggap ng publiko ang bagong tambalan namin ni Beauty at marami ang humihiling na magkaroon pa ng Season 3, ngunit dahil sa nangyaring aksidente sa akin -- napunit ang tissue sa aking Achilles tendon ay kailangan kong magpahinga ng tuluy-tuloy na anim na linggo bago ako makapaglakad nang maayos na tulad ng dati.


Pinasasalamatan din natin ang pamunuan ng GMA7 na hindi nagdalawang isip na bigyan tayo ng pagkakataong makagawa pa ng TV series.


Sayang nga lamang at naaksidente tayo nang simulan na natin ang shooting ng ‘Alyas Pogi 4’ na marami rin sa ating mga tagasubaybay ang humihiling nito.


Isa sa mga eksena ang naging dahilan kaya ako naaksidente dahil ayokong may ibang gumaganap sa mga maaksyong eksena para makatotohanan ang dating, ngunit sadyang hindi na tayo bumabata, kaya nangyari sa atin ang insidenteng ito.


Pero may kasabihan nga na, “Kung gusto maraming paraan, kung ayaw maraming dahilan!” kaya ikinokonsidera natin na mapagbigyan ang kahilingan ng marami nating kababayan sa oras na bumuti na ang ating kalagayan.


Marami na rin kasi ang excited nang mabalitaan nilang ginagawa na natin ang ‘Alyas Pogi 4’ na talaga namang naging blockbuster movie, pero naudlot ang lahat dahil sa aksidenteng sinapit ko.


Kahit ako at ang buong pamilya ko ay excited na rin sa ‘Alyas Pogi 4’ dahil sa alam nila na pinaghandaan nang husto ang pelikulang ito. Mula script hanggang sa pinakamaliit na detalye ay pinulido upang masulit naman ang matagal na paghihintay ng ating mga tagasuporta.


Halos 10 taon din tayong nagpahinga sa paggawa ng pelikula, kaya nauunawaan natin ang pananabik ng marami nating supporters.


Nakakapanibago ngunit hindi naman natin maiwan ang paggawa ng pelikula dahil dito na tayo nakilala — mula bata ay artista na ako at hindi n’yo ako iniiwan, kaya marapat lang na suklian ko ang inyong pananabik.


Target nating matapos ang ‘Alyas Pogi 4’ bago magsimula ang campaign period para sa halalan sa 2025 upang magkaroon naman tayo ng panahon na asikasuhin ang mga kaalyado natin sa pulitika.


Tungkol sa ‘Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis’ ay may nakaabot sa ating impormasyon na may niluluto umanong Season 3 ang naturang TV series pero wala pang kumpirmasyon dahil nakadepende ang lahat ng ‘yan sa mga boss natin sa GMA7.


Napakaganda kasi ng naging kumbinasyon ng buong cast ng TV series na ito na isa rin sa mga dapat kong pasalamatan na sina Max Collins as Elizabeth “Elize/Puso” Riego-De Dios, Kate Valdez as Sheena Riego De Dios (Season 1), Kelvin Miranda as Gary Hernando, Carmi Martin as Lucita “Lucing” Dallego, Niño Muhlach as Sylvestre “Style” Salonga, Dennis Padilla as Vincent Policarpio, Maey Bautista as Candida Magtulis, Raphael Landicho as Fransisco “Kiko” Reynaldo, Nikki Co as Dustin Tibayan, Angel Leighton as Pretty Competente, E. R. Ejercito as Juancho “Kamao” Dehado, Bembol Roco as Ulo (Season 1), Dennis Marasigan as Lorenzo delos Reyes (Season 1), Jestoni Alarcon as Gener Alberto (Season 2), Ejay Falcon as Ace Catacutan (Season 2), Liezel Lopez as Jacqueline “Jacq” Dela Torre (Season 2), Jeffrey Tam as Onofre “Bunso” Batumbakal (Season 2) , Herlene Budol as Mia (Season 2), Dion Ignacio as Blake (Season 2), Lianne Valentin as Loretta Montecillo (Season 2), Celeste Cortesi as Diana “Diamond Ricci” Mondejar (Season 2), Mika Salamanca as Megan Espinosa (Season 2)  at Roi Vinzon as Vito Poblete (Season 2). 


Nais ko ring pasalamatan ang iba pang artista na mga naging guest sa loob ng dalawang season na sina Jeric Raval as Dodong “Buto” Butak, Geneva Cruz as Iris “Virus” Dehado, Manolo Pedrosa as Nikko “Bituka” Carpio, Diego Llorico as a barangay tanod, Vince Crisostomo as Dimaano, Seb Pajarillo as Peralta, Kiel Rodriguez as Ed, Stanley Abuloc as Noel, Michael Roy Jornales as Mata, Sophia Senoron as Jessica, Bernard Palanca as “Balat” Trinidad, Jimmy Santos as Billy Boy Rosales, Ian Ignacio as JC, Dinky Doo Jr. as Ryan, Thou Reyes as Chester “Mukha” Campos, Al Tantay as Marcus Galang, Michael V. as Hugo “Utak” Salazar, Ronald dela Rosa as Batome, Lani Mercado as Batome’s wife, Jay Manalo as Pancho Blanco, Ramon Christopher as Redentor Pigsart, Antonio Aquitania as Rafael “Paeng” Advincula, Brent Valdez as Alfred MJ Ordillano as Harry, Michael de Mesa as Luther Abueva, Sanya Lopez as Mildred Darlene Yabut, Sherry Lara as Biring Batumbakal, Roger Kent Ostia, John Feir as a scammer, Leandro Baldemor as Ariel, Tart Carlos as Tere, Atak Arana as Venus Arevalo, Christian Vasquez as Estong, Marnie Lapuz as Sandra del Mundo, Johnny Revilla as Ninong, Giovanni Baldisseri as Commissioner Pascual, Renzo Cruz as Lawrence Montecillo at Antonio Vinzon as Arkel Poblete. Sana ay wala akong nakaligtaan dahil lahat kayo ay naging bahagi ng dalawang season ng ‘WMPMM’.


Masaya at walang naging pasaway sa TV series na ito kaya nakalulungkot na magwawakas na ito ngayong Linggo (May 12) at ngayon pa lamang ay napakarami na ang nagtatanong kung kailan sisimulan ang Season 3.


Nakakataba ng puso ang ganitong mga reaksyon dahil lalo akong ginaganahan na gumawa ng mga bago pang proyekto at asahan ninyong mga quality TV series at pelikula ang ating gagawin.


Siyempre, higit na dapat nating pasalamatan ay ang Maykapal dahil hanggang ngayon ay hindi niya tayo pinababayaan lalo na sa ating kalusugan -- dahil sa edad nating ito ay nagagawa pa nating makipagsabayan sa mga batang naglulundagan at nakikipagbakbakan sa pelikula.


Ilan na rin naman ang apo ko, ‘yung pinakamatanda nga binata na, pero nagagawa pa rin nating magpakilig ng mga kabataang babae na labis ko talagang ipinagpapasalamat.


Sa rami ng mga biyayang nagdaratingan sa ngayon ay nais ko lalong ipagpasalamat na mayroon akong pamilya na nakasuporta sa akin sa pangunguna ng pinakamamahal kong maybahay na si Congresswoman Lani Mercado na sa kabila ng pagiging isa ring lingkod-bayan ay lagi tayong inaasikaso.


Kaya kahit sumigaw ako ng salamat ay kulang ang salitang ito sa rami ng blessings!


Anak ng Teteng!

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page