top of page
Search
BULGAR

After 39 yrs... COCA NICOLAS, NAGSALITA NA SA PANGRE-RAPE RAW NG TVJ KAY PEPSI KAYA NAGPAKAMATAY

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | January 9, 2024



Matapos ang 39 taon, ang dating sexy star na si Coca Nicolas lang pala ang susi sa matagal nang isyung kaya nagpakamatay noon ang kaibigang nagpapaseksi rin na si Pepsi Paloma ay dahil may kinalaman umano ang magkakaibigang Tito Sotto, Vic Sotto at Joey de Leon, kasama ang namayapang si Richie D' Horsie.


Ilang beses na itong kinlaro ng magkakaibigan at ilang beses na rin itong nasulat sa mga pahayagan, pero hindi pa rin nawawala sa isipan ng mga nakaabot kay Pepsi na ginawan ito ng hindi maganda, kaya raw mas pinili nitong kitlin ang buhay niya noong Mayo 31, 1985 sa edad na disi-otso. 


Buo ang kuwento na sa isang kuwarto sa isang hotel sa Quezon City daw hinalay ng Eat… Bulaga! hosts si Pepsi noong taong 1982 at umabot pa sa demandahan na sa kalaunan ay iniurong din ng sexy star ang kaso dahil wala namang katotohanan ito at may taong gusto lang daw pagkakuwartahan sina Tito, Vic, Joey at Ritchie.


Sa panayam kay Coca Nicolas ng Frontline news anchor at vlogger na si Julius Babao sa kanyang YouTube channel na in-upload kamakailan at umabot na sa mahigit 1 million views ay naitanong ng huli kung gaano ka-close ang una kay Pepsi. 


Nagkasama raw sa iisang bahay sina Coca at Pepsi. 


“Si Tito Rey (manager nila) ang kumuha po ng bahay na ‘yun, tapos nag-share kami ni Pepsi sa isang bahay at lagi kaming magkasama kahit saan (lakaran). Parang magkapatid na po kami. 


“Then, nabanggit ko sa kanya… Pechay po kasi tawag ko d'yan kay Pepsi. Sabi ko, ‘Pechay, totoo ba ‘yung sa inyo nina Tito, Vic and Joey?’


“Sabi niya, ‘Alin?’" 


Binanggit ni Coca kung ano ‘yung tanong, pero naka-mute.


Sagot daw ni Pepsi, "Hindi, ah! Alam mo naman si Tito Rey (manager nila), parang hindi ka naman naano d'yan kay Tito. Lahat, gagawin niya para lang sumikat tayo."


"Kaya 'yun po talaga. Ako mismo ang magpu-prove niyan na hindi totoo po 'yun,” patunay ng dati ring sexy star.


Hindi na raw naitanong ni Coca kung bakit pumayag na magpagamit ang kaibigan niya para sa isyung pinalutang ng manager nila. 


“Kasi paborito ko ang Tito, Vic and Joey, eh,” sambit ni Coca. 


At nabanggit ni Julius na malaking balita ito nu'ng taong 'yun.


Bukod kina Coca at Pepsi ay kasama rin si Sarsi Emmanuel sa mga alaga ng namayapang talent manager na si Rey dela Cruz at tinawag silang Softdrink Beauties dahil na rin sa mga pangalang ibinigay sa kanila.

 

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page