top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

After 11 yrs. na alaga ang aktres… LIZA, UMALIS NA KAY OGIE BILANG MANAGER, NA KAY JAMES REID NA

BULGAR
May 28, 2022
4 min read

ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters! | May 28, 2022


Tinuldukan na nina Ogie Diaz at Liza Soberano ang relasyon nila bilang manager-talent pagkalipas nang 11 years.


Ito ang inamin ng vlogger sa kanilang Showbiz Update vlog ni Mama Loi kasama si Tita Jegs nitong Biyernes.


Nagsimula ang alingasngas na hindi na si Ogie ang manager ni Liza nang mabalitang gusto ng aktres na subukan ang karera niya sa Hollywood, na nagkataong dumalo siya sa Gold House’s 1st Annual Gold Gala sa Los Angeles kasama si James Reid.


Nasulat nga namin dito sa BULGAR nu’ng isang araw na may balita ring hiwalay na sina Liza at Enrique Gil dahil nasa magkaibang bansa sila.


Nataon naman kasi na panay ang post ni Liza ng mga larawang kasama si James habang nasa ibang bansa sila.


Sa vlog nila, pahayag ni Ogie, “Unang-una sa lahat, technically and legally speaking, ako pa rin ang manager ni Liza Soberano hanggang May 31, 2022,” na ikinagulat nina Mama Loi at Tita Jegs.


Dagdag niya, 11 yrs. na silang magkasama ni Liza at marami na silang pinagdaanan na pareho naman nilang nalagpasan.


Inamin din ni Ogie na bago pa mag-expire ang kontrata ng aktres ay nagtanong siya kung magre-renew ulit ito at ang terminong ginamit ng manager ay, “Matatapos na lang ‘yung kontrata, hindi ako nagsalita, na nu’ng nag-Zoom meeting kami, kasama si Tita Joni (tiyahin ng dalaga), tinanong ko siya ‘'Nak, gusto mo bang mag-renew sa akin?’ tapos, pag-iisipan nila. Sabi ko sa sarili ko ‘Ayun, wala na akong utang sa sarili ko kasi nasabi ko na ‘yung aking intensiyon na mag-renew.'”


At magalang naman daw sumagot si Liza sa pamamagitan ng Viber message.


Katwiran ni Ogie, mas mahalaga sa kanya ang friendship at pinagsamahan nila ni Liza kaya kung saan ito masaya ay ibibigay niya.


“Hindi doon nagtatapos ang relasyon dahil lagi ko ring sinasabi 'yan kay Liza na hindi mo dapat pinuputol ‘yung tulay. Kasama ru'n sa kanyang mensahe na gusto niyang mag-try sa Hollywood."


Aminado naman si Ogie na hindi abot ng kanyang kakayahan bilang manager ang Hollywood dream ni Liza.


Hindi rin nakalimutang i-share ni Ogie na malaki ang utang na loob niya kay Liza dahil sa laki ng mga kinita niya bilang manager na dahilan para maipagamot at nabigyan ng buhay ang bunsong anak niyang si Meerah o Miracle sa tunay na buhay.


Kaya naman, hangad niya ang kaligayahan ni Liza at wala raw siyang sama ng loob dito.

“Ito lang ang iniwan ko sa kanya, ‘Anak, kapag may problema ka, kapag may gusto kang malaman, kapag mayroon kang tanong na hindi mo alam ang sagot, nandito lang ako,’" hirit pa ni Ogie.


Ipinagdiinan din ni Ogie na hindi porke’t umaalis ang talent sa manager niya ay mahinang manager na, in the same manner na hindi porke’t binitiwan niya ang isang talent ay mahinang talent na ito.


At dito rin inamin ni Ogie na wala na ring kontrata si Liza sa Star Magic, Star Cinema at ABS-CBN.


Kinlaro rin niyang hindi nagkulang ang ABS-CBN at Star Magic na mag-pitch kay Liza at kay Enrique Gil ng project, pero dahil nagkaroon ng pandemic, hindi sila gumawa ng teleserye o pelikula.


Bukod dito ay hindi rin nagkatagpo ang mga gusto nila ni Enrique in terms of storyline, dahil minsan, gusto ni Liza, ayaw naman ng aktor, at kapag gusto naman ito ng binata, ayaw naman ng aktres.


Ang pangakong binitiwan ni Liza, kahit wala na siyang kontrata sa ABS-CBN ay dito pa rin siya gagawa ng TV series if ever. Mananatili siyang Kapamilya kahit saan siya dalhin ng kanyang mga paa.


At tungkol naman sa inaasam na project ni Liza sa Hollywood ay inamin ni Ogie na ang team ni James Reid na ang manager ng aktres.


“'Yung transition ay unti-unti, ipinapasa na namin sa kanila (kina James) at ipinakilala na ako sa team ni James,” sambit ng manager ni Liza hanggang sa katapusan ng Mayo.


Sa madaling salita, hindi as a friend ang drama nina James at Liza kaya magkasama sila sa event sa Los Angeles kundi as manager at talent.


“Hindi lang si James ang kasama ni Liza kundi marami sila kasi meron silang business as group.”


Balik-tanong ni Mama Loi, “'Nay, linawin natin ‘yan, career sa US at sa Pilipinas?”


“Yes!” mabilis na sagot ni Ogie.


Lahat ng kontrata ni Liza ay si James daw ang signatory.


Masayang ibinalita rin ni Ogie na maraming nag-renew ng endorsement contracts kay Liza na kasama pa rin siya pero si James na ang signatory.


Sa kasalukuyan ay hindi pa nagkikita at nagkakausap nang harapan sina Ogie, Liza at team ni James para sa pormal na turnover dahil nga wala sa bansa ang aktres at singer-actor.


Sa tanong ni Mama Loi kung nasaktan si Ogie na hindi na nag-renew si Liza sa kanya.


“Ay, mamatay, wala! Kasi ganu’n nga akong tao, 'pag gusto ng (talent) ng growth at feeling niya magkakaroon siya ng growth sa iba at feeling niya, mas sasaya siya sa iba, ibinibigay ko. Kasi napakaimportante ngayon, Loi, ng mental health, napakaimportante na nandoon ka pa rin sa ‘yong sanity. So, kailangang ibigay mo ‘yung happiness doon sa tao,” paliwanag ng dating manager ni Liza.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page