After 10 yrs… VHONG, TODO-THANK YOU NA HABAMBUHAY KULONG SINA CEDRIC AT DENIECE
- BULGAR
- May 3, 2024
- 2 min read
ni Vinia Vivar @Frankly Speaking | May 3, 2024

NAGING emosyonal si Vhong Navarro sa kanyang pagpapasalamat kahapon sa It’s Showtime.
Ito ay kaugnay ng vindication na kanyang natanggap para sa kasong illegal detention for ransom against Cedric Lee at Deniece Cornejo na isinampa niya noong 2014.
Lumabas na kahapon, Mayo 2, ang desisyon ng Taguig Regional Trial Court at “guilty beyond reasonable doubt” ang naging hatol laban kina Cedric, Deniece at dalawa pang respondents na sina Zimmer Raz at Ferdinand Guerrero.
Hinatulan ang mga ito ng “reclusion perpetua” o habambuhay na pagkakakulong.
Ang nasabing kaso ay matatandaang nag-ugat sa pambubugbog, paggapos, pananakot at pagditene ng apat na akusado kay Vhong sa condo unit ni Deniece sa Taguig City noong January 22, 2014.
Sa It’s Showtime kahapon, ay emosyonal na nagpasalamat si Vhong sa naging desisyon ng korte.
“Gusto ko munang kunin itong pagkakataon na ‘to para po magpasalamat. Of course, maraming-maraming salamat, Lord dahil lagi kang nakagabay sa ‘kin. Sa rami ng pinagdaanan ko sa buhay, nandiyan ka. Ikaw ang naging sentro ko at napakatotoo mo, kaya maraming salamat,” simula ni Vhong.
Nagpasalamat din ang TV host/dancer/actor sa RTC ng Taguig, gayundin sa judge at sa mga staff ng korte, at sa kanyang legal team na hindi raw bumitaw sa kanya.
Kasama rin sa pinasalamatan niya ang kanyang mga ABS-CBN bosses na sina Carlo Katigbak, Cory Vidanes, Mark Lopez, Gabby Lopez, Charo Santos-Concio, Freddie Garcia at Direk Lauren Dyogi, gayundin ang kanyang dating manager na si Chito Rono at mga dating kasamahan sa Streetboys.
Hindi rin niya nakalimutang pasalamatan ang lahat ng kanyang fans na naniniwala at sumusuporta sa kanya.
“And of course, sa mga naniniwala sa akin, sa aking mga fans na kung ano ang mga narinig n’yong hindi maganda sa akin ay patuloy kayong nandiyan, sumusuporta at naniniwala,” aniya.
At siyempre, kasama rin ang kanyang It’s Showtime family para sa pasensiya sa kanya lalo na sa mga pagkakataong lutang siya.
“Sa staff ng It’s Showtime, Showtime family, maraming salamat kasi hinahabaan n’yo ‘yung pasensiya n’yo kasi minsan lutang ako.
“Roller-coaster ang pinagdaanan ko, ang hirap i-explain pero minsan sabaw ako dito, eh. Pero nandiyan kayo. Kahit ‘yung mga bitaw ko, mga hirit ko, eh, sablay, papuntang norte, papuntang south, ‘di ko alam. Pero nandiyan kayo to support me dahil alam kong mahal na mahal n’yo ako,” naluluhang sabi ni Vhong.
“Of course sa family ko- kay Yce, Bruno at sa dalawa kong nanay, kapatid ko, pamangkin ko, salamat dahil naging matatag kayo kasama ko. Salamat sa pagmamahal ninyo,” patuloy niya.
Mas naging emosyonal pa si Vhong nang pasalamatan na niya ang asawang si Tanya Bautista.
“Marami akong pagkukulang sa ‘yo pero hindi mo ako iniwan, marami akong kasalanan pero nandiyan ka pa rin. Hayaan mong bumawi ako sa ‘yo sa abot ng aking makakaya, hanggang sa huling sandali ng buhay ko. Mahal na mahal kita, salamat,” mensahe ni Vhong kay Tanya.
Comments