top of page
Search
  • BULGAR

Adebayo, Randle, George at Young, ang tatapang

ni Anthony E. Servinio - @Sports | April 20, 2021




Buong tapang na ipinasok ni Bam Adebayo ang nagpapanalong dalawang puntos kasabay ng huling busina upang ibigay sa Miami Heat ang makapigil hiningang 109-107 tagumpay sa Brooklyn Nets sa NBA kahapon mula sa American Airlines Arena. Humabol ang Heat sa huling apat na minuto matapos lumayo ng anim na puntos ang Nets, 105-99.

Tinuldukan ni Adebayo ang kanyang mahusay na laro na may 21 puntos at 15 rebound habang dumagdag ng 18 puntos si Goran Dragic at umakyat sa 29-28 panalo-talo. Nasaktan sa hita si Kevin Durant ng Nets apat na minuto pa lang ang lumilipas sa laro at hindi na bumalik.

Dumaan sa overtime ang New York Knicks bago nila naitala ang kanilang ika-anim na sunod na panalo laban sa New Orleans Pelicans, 122-112. Bumida sa overtime si Julius Randle na ginawa ang lima ng kanyang 33 puntos na may kasamang 10 rebound at sinundan ni Derrick Rose na may 23 puntos bilang reserba.

Walang awang itinulak pabalik ng Los Angeles Clippers ang Minnesota Timberwolves sa pinakailalim ng buong NBA, 124-105. Nagbagsak ng 23 puntos si Paul George na sinundan ni Marcus Morris Sr. na may 19 puntos at ginamit ni Coach Tyronn Lue ang pagkakataon na bigyan ng halos pantay na minuto ang lahat ng Clippers para sa kartadang 40-19 at pangatlo sa West.

Pinaganda ng Atlanta Hawks ang kanilang pag-asa sa playoffs at binigo ang Indiana Pacers, 129-117, salamat sa matibay na ipinakita sa huling limang minuto kung saan kumalas sila mula sa 107-107 na tabla. Nagsabog ng 34 puntos at 11 assist si Trae Young at halimaw ang double-double ni Clint Capela na 25 puntos at 24 rebound habang tig-23 puntos sina Kevin Huerter at Bogdan Bogdanovic.

Nanatili din ang pag-asa ng Toronto Raptors sa playoffs at tinalo ang Oklahoma City Thunder, 112-106. Uminit si Chris Boucher para sa 10 ng kanyang 31 puntos at 12 rebound sa fourth quarter at sinuportahan ni Gary Trent Jr. na may 23 puntos galing sa limang tres.

Ginulat ng bisitang Sacramento Kings ang Dallas Mavericks, 121-107, at lamang sa buong 48 minuto. Namuno sa Kings si De’Aaron Fox na may 30 puntos at 12 assist at nag-ambag ng 24 puntos si Harrison Barnes.

Dominante ang Charlotte Hornets sa kanilang 109-101 pagwagi sa Portland Trail Blazers kung saan umabot ng 29 ang kanilang lamang sa third quarter, 90-61. Double-double si Terry Rozier na 34 puntos at 10 assist at sinundan ni PJ Washington na may 23 puntos.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page