Adebayo at Jokic ng Heat at Nuggets, sumalakay
ni Anthony E. Servinio @Sports | January 26, 2023

Binigo ng Miami Heat ang numero unong Boston Celtics, 98-95, sa engrandeng pagbubukas ng NBA Rivals Week kahapon sa Miami-Dade Arena. Lumikha muli ng himala si MVP Nikola Jokic at inihatid ang 99-98 pagwagi ng Denver Nuggets sa New Orleans Pelicans.
Sumandal ang Heat sa buslo ni Bam Adebayo na may 20 segundong nalalabi upang lumamang, 97-95. Biglang inagaw ni Tyler Herro ang bola at napilitan ang Boston na bigyan ng foul si Haywood Highsmith na sinigurado ang panalo sa kanyang free throw na may 0.6 segundo sa orasan.
Double-double sina Adebayo na 30 puntos at 15 rebound at Highsmith na 15 puntos at 10 rebound. Lumasap ng bihirang magkasunod na talo ang Celtics subalit hawak pa rin ang pinakamataas na kartada sa NBA na 35-14.
Pinasahan ni Jamal Murray si Jokic para sa malapitang shoot na may 16.9 segundo sa orasan. Mula roon ay nanaig ang depensa ng Nuggets patungo sa ika-34 tagumpay sa 48 laro.
Triple double si Jokic na 25 puntos, 11 rebound at 10 assist habang 25 puntos din si Murray. Patuloy pa rin hinihintay ng Pelicans ang paghilom ng hita ng kanilang All-Star Zion Williamson.
Sa “Battle of LA”, wagi ang Clippers sa Lakers, 133-115, salamat sa 27 puntos ni Paul George. Kahit natalo, umani pa rin ng pansin si LeBron James sa patuloy na pagsalakay sa marka ni Kareem Abdul Jabbar na pinakamaraming puntos sa NBA at pumukol ng siyam na three-points para sa 46 puntos at 178 na lang ang kailangan para sa bagong marka.
Binitin ng New York Knicks ang huling hirit ng Cleveland Cavaliers, 105-103, sa likod ng 36 puntos at 13 rebound ni Julius Randle. Sumandal ang Washington Wizards sa free throw ni Kyle Kuzma.





Comments