top of page

Adams, pinalakas ang Grizzlies, Nuggets, mainit vs. T'wolves

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jan 20, 2023
  • 1 min read

ni Anthony E. Servinio @Sports | January 20, 2023




Patuloy ang arangkada ng Memphis Grizzlies at 11 na ang kanilang magkasunod na panalo matapos ang milagrong 115-114 pagtakas sa bisitang Cleveland Cavaliers sa NBA kahapon sa FedExForum. Mainit din ang Denver Nuggets at sinabayan nila ang Grizzlies sa kanilang 122-118 panalo sa Minnesota Timberwolves.


Ipinasok ni sentro Steven Adams ang nagpapanalong buslo na may 16 segundo sa orasan galing sa mintis ni Ja Morant. May pagkakataon ang Cavaliers na baligtarin ang resulta subalit sinupalpal ni Dillon Brooks ang tira ni Darius Garland sabay tunog ng busina.


Nanguna sa Memphis sina Desmond Bane na may 25 at Morant na may 24 puntos.


Double-double si bayani Adams na 13 puntos at 10 rebound at umakyat sa 31-13 panalo-talo.


Makalipas ang ilang oras ay nabawi ng Nuggets ang solong liderato at kartadang 32-13.


Triple double si MVP Nikola Jokic na 31 puntos, 11 rebound at 13 assist at sinuportahan ni Jamal Murray na may 28 puntos.


Nagtala rin ng panalo ang Utah Jazz sa Los Angeles Clippers, 126-103, sa likod ni Lauri Markannen na nagsumite ng 34 puntos at 12 rebound. Hindi talaga araw ng mga taga-LA at binigo ng Sacramento Kings ang Los Angeles Lakers, 116-111, salamat sa 31 puntos ni De’Aaron Fox at mapawalang-bisa ng 32 puntos ni LeBron James.


Nanaig ang Atlanta Hawks at Trae Young kay Luka Doncic at Dallas Mavericks, 130-122.


Matatandaan na nagpalitan agad ng koponan ang dalawang noon ay rookie matapos silang mapili sa 2018 NBA Draft.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page