top of page
FRANKLY - ANAK NI PATRICK, LALONG NA-BASH AT NA-BULLY-IG _onlypatrickgarcia.jpg

Adalem Const.-Saint Clare sasabak sa PBA D-League

BULGAR
Jun 29, 2022
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | June 29, 2022



Matapos ang kanilang matagumpay na kampanya sa 20th National Athletic Association of Schools, Colleges and Universities (NAASCU), dadalhin ng Saint Clare College of Caloocan ang talento sa 2022 PBA D-League Aspirants Cup na magbubukas sa Hulyo 4 sa Ynares Sports Arena sa Pasig City. Dadalhin ngayon ng Saints ang pangalan ng Adalem Construction at sisikapin na sundan ang kampeonato sa 2019 Founders Cup noong sila ay kilala bilang BRT Sumisip-Saint Clare.

Inaasahan na maglalaro ang karamihan ng mga kasapi ng kampeon sa NAASCU, ang ika-limang sunod ng paaralan at pangkalahatang ika-anim sa kasaysayan ng liga. Pangungunahan ang Saints ni Most Valuable Player at Rookie of the Year Johnsherick Estrada at Mythical Five John Edcel Rojas.

Maliban kay Rojas, sina JJ Manacho at Aeron Decano lang ang may karanasan sa D-League. Tiyak na masusubukan ang mga baguhan sa pangunguna ni Babacar Ndong at sina Bam Lopez, Richard Victoriano, Jolo Sumagaysay, Gab Gamboa, Megan Galang, Luiz Tapenio at Drick Acosta.

Bukas si Best Coach Jinino Manansala Sr. na kumuha ng hanggang tatlong dating Saints o manlalaro mula sa labas ng paaralan upang palakasin ang koponan sa gitna ng matinding makakalaro. Nandiyan ang maagang paborito na NCAA champion Wang’s-Letran at EcoOil-De La Salle University, Centro Escolar University, APEX Fuel-San Sebastian College, AMA Online Education, Builders Warehouse-University of Santo Tomas at Marinerong Pilipino.

Ang 2019 Founders Cup ang huling nakumpletong torneo ng D-League noong Oktubre bago sumapit ang pandemya. Dahil dito, napilitang putulin ang 2020 Aspirants Cup sa kalagitnaan nito noong sumunod na Marso.

Sa gabay ni Coach Stevenson Tiu, kinuha ng BRT Sumisip ang huling dalawang laro ng seryeng best-of-three kontra sa paboritong Marinerong Pilipino, 74-60 at 63-60. Napunta sa Skippers ang Game 1, 69-59.

Itatalagang team manager ng Saints si Ray Christopher "Topet" Adalem. Ang paglahok ng Saint Clare sa D-League ay bahagi ng paghahanda para sa 21st NAASCU na magbubukas bago magwakas ang taon.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page