top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

ACMs para sa 2025 Midterm Election, inspeksyuning mabuti

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 2, 2024
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | September 2, 2024



Boses by Ryan Sison

Ramdam na ramdam na talaga ang nalalapit na 2025 midterm elections.

Natanggap na kasi ng Commission on Elections (Comelec) nitong Sabado ang ikalawang batch ng automated counting machine (ACM) na gagamitin para sa halalan sa susunod na taon. 


May kabuuang 8,640 ACMs ang nai-deliver ng South Korean firm na Miru Systems sa warehouse ng Comelec sa Biñan, Laguna.


Ayon sa Comelec, iniinspeksyon nila ang bawat ACM upang matiyak ang kalidad ng mga ito. Anumang machine na hindi papasa sa paunang inspeksyon ay ibabalik nila para sa replacements. 


Kinumpirma naman ni Comelec Chairman George Garcia na mayroon nang 24,000 ACMs sa bansa, kung saan ang nasabing bilang ay higit pa sa naipangakong i-deliver ng naturang kumpanya sa buwan ng Agosto na 20,000 ACMs, habang 7,000 sa mga ito ay nasa Bureau of Customs (BOC) pa.


Nagsimula ang Miru na mag-deliver ng mga machine noong July, na anang Comelec ay nagpadala rin ang kumpanya ng 100% ng mga server, printer, at laptop na gagamitin sa vote canvassing.


Layon ng Comelec na makumpleto ang delivery ng mga 110,000 ACM sa December.

Matatandaang noong March ay iginawad ng Comelec sa Miru Systems ang P17.99-billion contract para sa pagbili ng bagong automated election system para sa 2025 elections. Saklaw ng kontrata ang mga ACM at peripheral, kabilang ang mga ballot box at laptop.


Mainam ang ginagawang paghahanda ng Comelec para sa mga gagamitin sa eleksyon kahit na malayo pa talaga ang aktuwal na botohan. 


Nakasalalay din kasi sa mga naturang machine ang pagbilang sa mga boto ng taumbayan mula sa lahat ng polling precinct sa buong bansa.


Kumbaga, maging maayos ang mga ACM na ibibigay ng nasabing kumpanya at wala sanang masyadong problema sa mga makina. At kung meron man, sana ay minimal o kaunti lamang at madaling masolusyonan. 


Hiling din natin sa kinauukulan na pagbutihin nila ang pag-iinspeksyon sa lahat ng mga machine para agad nilang mapapalitan sakaling ayaw gumana o may palpak man sa mga ito. Gayundin, dapat ay malinis at walang bahid ng anomalya ang mga naging transaksyon nila sa nasabing South Korean firm para maayos at hindi kuwestiyunin ang kontrata natin sa kanila.


Paalala lang sa mga kababayan na sana ay natuto na tayo sa ating mga naging karanasan mula sa mga nakaraang eleksyon. Iboto natin ang mga karapat-dapat na lider na magseserbisyo nang tapat sa kanyang kapwa at sa bayan.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page