Absuwelto na sa rape… VHONG, TODO-PASALAMAT SA MGA TUMULONG SA KANYA
ni Julie Bonifacio @Winner | March 15, 2023

Ibinasura na nga ng Supreme Court ang kasong rape and acts of lasciviousness laban kay Vhong Navarro na isinampa ni Deniece Cornejo.
Bumaba ang desisyon ng korte noon pang Pebrero 8 na nilagdaan ni Supreme Court Associate Justice Henri Jean Paul Inting at nu’ng Lunes nang gabi ay inilabas na sa publiko.
Sa kabuuan, ang paiba-ibang statements at kakulangan ng matibay na ebidensiya ni Deniece sa korte noong 2018 at 2020 ang malinaw na dahilan ng pagpapawalang-bisa sa mga kasong inihain niya laban kay Vhong.
Dahil sa paiba-ibang salaysay ni Deniece, nalagay sa alanganin ang kanyang kredibilidad. At naging malaking puntos daw sa desisyon ng korte ang “labanan” ng kredibilidad between Vhong at Deniece.
Umapaw ang pagbati kay Vhong paglabas ng desisyon ng Supreme Court, mapa-social media man o sa programa niya na It’s Showtime.
Binati si Vhong ng mga kasama niyang hosts sa opening spiels pa lang ng Kapamilya noontime show sa pangunguna ni Ogie Alcasid kahapon.
Pagbati ni Ogie, “Pareng Vhong, gusto ka rin naming batiin dahil narinig na ang ating (dasal)… At kami ay natutuwa para sa ‘yo.”
Pinasalamatan ni Vhong si Ogie sa pagbati sa kanya.
“Kuya Ogie, maraming-maraming salamat. Alam mo, dasal ako nang dasal every day, every night, na hopefully, makuha ko na ang minimithi ko, na matapos na itong pinagdaraanan ko.
“Kasi may mga panahon na akala ko, nawalan ako ng pag-asa, eh. Nawalan ako ng hope nu’ng nasa loob ako. Pero hindi ako tumigil sa pagdarasal.
“Kaya eto na po, dininggin na po ng Supreme Court ‘yung dasal natin. At, uh, maganda ‘yung ginawa nilang pagresolba sa kaso ko. Kaya maraming-maraming salamat sa Supreme Court.
“At maraming-maraming salamat sa aking legal team na talagang nand’yan. Hindi (nila) ako pinabayaan,” pahayag ni Vhong sa It’s Showtime kahapon.
Umapir naman sa studio ng It’s Showtime kahapon ang top executive ng ABS-CBN na si Cory Vidanes.
“And of course, ABS-CBN na hindi ako iniwan. Binigyan ako ng trabaho. Welcome ako rito sa (It’s) Showtime.
“Si Carlo Katigbak, maraming salamat. Sir Mark Lopez, maraming salamat.
“And of course, Tita Cory Vidanes, maraming-maraming salamat. I love you. Palagi kayong nand’yan. Lagi kayong nakaalalay sa akin,” banggit pa ni Vhong.
Hindi rin nakalimutang pasalamatan ni Vhong ang kanyang manager at direktor na si Chito Roño, ang mga kasamahan niya sa Streetboys, sa Solid AK, at ang mga taong naniniwala at sumusuporta sa kanya.
“And of course, to my family. Kay Tanya (Bautista, his wife), kay Yce, kay Bruno at sa dalawang nanay ko, sa mga kapatid ko, at sa mga kaibigan ko pa…maraming-marami pong salamat.”
Sa pagkaka-acquit ni Vhong sa kanyang mga kaso, inamin niya na bumalik daw ang kanyang kumpiyansa sa korte.
“At ngayon po, dahil sa Supreme Court, naniniwala po ako ulit na may justice system sa Pilipinas. Kaya palagi po tayong magdarasal. God is really good,” masayang sabi pa ni Vhong.





Comments