Absent bago ang regular holiday, walang bayad
- BULGAR
- Mar 22, 2023
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | March 22, 2023
Dear Chief Acosta,
Bago lang ako sa trabaho, kaya wala pa akong naipong leave credits. Ilang araw akong hindi nakapasok sa trabaho dahil nagkasakit ako at nangyari ito noong araw bago at noong mismong regular holiday. Hiningi ko ang holiday pay pagbalik ko sa trabaho, ngunit tumanggi ang aking amo dahil sa hindi ko pagpasok sa trabaho bago o sa naturang araw na regular holiday. Tama ba ang hindi pagbibigay sa akin ng holiday pay? – Carmelina
Dear Carmelina,
Nakasaad sa Article 94 (a), Chapter III, ng Labor Code of the Philippines, kung kailan ang isang empleyado ay karapat-dapat para sa holiday pay:
“Article 94. Right to Holiday Pay – (a) Every worker shall be paid his regular daily wage during regular holidays, except in retail and service establishments regularly employing less than ten (10) workers.”
Kaugnay nito, sa Section 6 (a), Rule IV, Book 3 ng Omnibus Rules Implementing the Labor Code, makikita ang mga tuntunin kung ang isang empleyado ay wala (absent) bago ang regular holiday:
“Section 6. Absences – (a) All covered employees shall be entitled to the benefit provided herein when they are on leave of absence with pay. Employees who are on leave of absence without pay on the day immediately preceding a regular holiday may not be paid the required holiday pay if he has not worked on such regular holiday.”
Malinaw na nakasaad sa nabanggit na probisyon ng batas na ang mga empleyado na naka-leave of absence nang walang bayad sa araw bago ang regular holiday ay maaaring hindi mabayaran ng holiday pay kung hindi siya nagtrabaho sa naturang araw na regular holiday.
Batay sa iyong salaysay, wala ka pang naiipong leave credits dahil bago ka pa lang sa trabaho nang hindi ka makapasok nang araw bago at sa regular holiday. Samakatuwid, tama ang hindi pagbigay sa iyo ng holiday pay dahil nabigo kang magtrabaho sa araw bago ang naturang regular holiday at sa mismong araw ng holiday.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.
Comments