- BULGAR
- 3 days ago
ni Ambet Nabus @Let's See | August 20, 2025

Photo: Heart Evangelista - IG
“Ibang service naman o product,” ang seryosong sagot ng napagtanungan namin hinggil sa pagiging endorser ni Heart Evangelista ng isang food chain na ine-endorse pa rin ni Vice Ganda.
Marami kasi ang nag-aakala na pinalitan na ni Heart si Vice after ngang magkaroon ng mga negative na impression sa TV host-comedian sanhi ng pagiging matalas ng dila nito sa kanyang concert.
Bukod pa riyan ang mga naging panawagan na i-boycott ang naturang food chain ng ilang grupong naniniwalang nag-overboard ang host-comedian sa kanyang mga kuda, pagpapasaring at paggamit ng mga names ng mga celebrities o personalities sa kanyang comedy act.
“Perfect timing naman kasi ang paglabas ng mga ads ni Heart kaugnay ng food chain. Masyadong perfect ang marketing campaign sa isyu ni Vice,” sey pa ng ilang netizens.
Although may kaugnayan sa isang app na dapat i-subscribe ng mga patrons ng food chain ang ine-endorse ni Heart, para pa rin daw sa utak ng mga ayaw pauto, “Still the fact remains, endorser pa rin nila si Vice at hindi pa namin s’ya kayang tanggapin.”
Aguy! Puwede ba nating sabihin na kawawa naman si Heart Evangelista dahil tila sa kanya nabunton ang inis ng iba o mga kontra sa isang Vice Ganda?
Pinaamin noon ni Maine kung may feelings din sa kanya… “HINDI PUWEDENG SABIHIN DAHIL BAKA MAWALA ANG MAGIC” – ALDEN
Sa naging pag-amin ni Maine Mendoza hinggil sa direkta niyang pagtatanong kay Alden Richards ng kanyang pagmamahal during their AlDub (Alden at Yaya Dub) days, marami tuloy ang tila pinagtatawanan ang aktor sa naging sagot nito.
“Hindi puwedeng sabihin dahil baka mawala ang magic,” or words to that effect ang umano’y sagot ni Alden sa tanong kung ano nga ba ang nararamdaman nito kay Maine.
Marami tuloy ang nagtatanong at natatawa ngayon kay Alden kung ano’ng magic ba ang kanyang pinagsasabi sa simple lang naman na tanong tungkol sa emosyon?
Sey ng mga netizens, “It was a basic question about feelings? About his reaction sa pagiging
babae ni Maine. Ano’ng kinalaman ng magic? Kahit kailan talaga, hindi naging totoo sa feelings n’ya ‘yang si Alden. Just look at his involvement sa ibang mga babae. Hay, naku! ‘Wag kami, Alden.”
Wala naman sigurong masamang intensiyon si Maine sa naging rebelasyon niya sa tinutukoy niyang roller coaster ride ng naging samahan nila during AlDub days nila.
Past is past, ‘ika nga, pero may mga ganito ngang kuwento na tila nagpapatibay sa mga naging impresyon ng tao at classic example na nga rito si Alden Richards.
Sa ipinalabas na lumang interview video sa Fast Talk (FT) ni Kuya Boy Abunda tungkol sa naging pag-amin noong March 2023 pa ng hiwalayan nina Liza Soberano at Enrique Gil, mapupuri natin ang programa sa pagiging disente nitong pagbigyan ang request ng aktres.
After watching it at kung ikokonek ito sa naging rebelasyon ni Liza ngayong August 2025 podcast interview niya, very consistent naman ang mga isyu ng hiwalayan at iba pang kaugnay na kuwento rito.
Ayaw naming sabihin na nagpapa-victim si Liza dahil hindi biro ang dumaan at alalahanin ang childhood trauma, kaya marahil bilang isang babae, ay nag-iba nga ang pananaw ni Liza sa buhay, karir at pag-ibig.
Basta kami, pinupuri namin ang programa ni Kuya Boy sa pagbibigay-halaga sa pakiusap ng isang tao, gaya na rin ng naranasan naming pakiusap din sa amin ng mga taong nagmamalasakit sa LizQuen (Liza at Enrique) during those times.
At sa napanood namin kay Liza, kapuri-puri rin ang pagbibigay niya ng halaga kay Enrique dahil kung wala nga raw ito ay wala rin siya.
Kasabay pa riyan ang paghingi niya ng patawad at pasasalamat dito, sa kanyang mga fans-supporters at sa mga taong kanilang nakasama.
Sa latest posts ni Liza ay patuloy siyang nagpapasalamat sa magagandang salita at feedback na ibinahagi sa kanya ng mga nakapanood sa last podcast niya.
Asahan daw natin ang mga susunod pang sharing lalo’t tila may adbokasiya na siyang ipinaglalaban, ang mga gaya niyang nakaranas ng pagmamaltrato at exploitation.