Abot-kayang COVID-19 testing, dapat lang!
- BULGAR
- Nov 4, 2020
- 2 min read
ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | November 04, 2020
Ngayong may pandemya, nakasalalay sa COVID-19 testing ang ating kakayahan na ipagpatuloy ang pang-araw-araw na gawain upang masigurong hindi na kakalat ang sakit. Dahil unti-unti na nating binubuksan ang ating ekonomiya, dapat gawin parte ng buhay ang COVID-19 testing habang wala pang bakuna.
Panahon na para gawing necessary commodity ang COVID-19 testing na may kaukulang price cap na poprotekta sa interes ng ordinaryong Pilipino. Kaya tulad ng sabi natin dati, mahalagang masiguro ng pamahalaan na may access sa testing ang lahat ng mga Pilipino, mayaman man o mahirap.
Dapat magkaroon tayo ng “just and equitable price range”. Dapat mayroon tayong mapagkasunduang polisiya na aprubado ni Pangulong Rodrigo Duterte para magkaroon ng mekanismo na makapaglalagay ng ceiling sa presyo ng COVID-19 testing.
Palaging binabanggit na dapat nating unahin ang kapakanan at buhay ng mga mahihirap at pinaka-nangangailangan ng tulong. Huwag silang pabayaan dahil sila ang kailangang makabalik sa normal na pamumuhay upang maiangat ang kanilang kabuhayan.
Huwag gawing prebilehiyo o luxury item ng mga mayayaman lamang ang COVID-19 testing. Kaya nananawagan tayong ipagpatuloy ang paghanap ng paraan para makagawa ng mga proseso at polisiya na gawing available, accessible at affordable ang COVID-19 testing sa lahat ng mga Pilipinong nangangailangan nito.
Sa mga testing providers, sana’y palaging transparent at sensitive ang inyong pricing scheme. Kailangang siguraduhing fully informed ang mga Pilipino sa component costs ng medical services at procedures kaugnay sa COVID-19. Dapat alam nila kung para saan ang kanilang binabayaran at saan napupunta ang kanilang pera.
Nakakalungkot na sa panahon ng krisis, may ilan pa ring indibidwal na pinagkakakitaan ang COVID-19 testing sa kapinsalaan ng mamamayan. Huwag silang tularan at huwag hayaang abusuhin at gawin itong negosyo. Palaging unahin ang buhay ng bawat Pilipino, at hindi dapat ito pagkakitaan ng iilan lamang.
Sa panahon ng krisis, pantay dapat ang serbisyo, lalo na pagdating sa kalusugan. Karapatan ng bawat Pilipino ang maayos na kalusugan at equal access to health care services, at kasali na ang COVID-19 testing. Ang kapakanan ay nakasalalay sa kapakanan ng iba.
Gagawin natin ang lahat para maghanap ng mga paraan upang gawing available, accessible at affordable ang COVID-19 testing sa bawat Pilipino. Naniniwala tayong mahalagang kasangkapan ito para labanan ang pandemya habang binubuhay ang ating ekonomiya.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.





Comments