Abortion clinic nabisto, mga sangkot nasampulan
- BULGAR

- Sep 13, 2024
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | September 13, 2024

Nakakapangilabot ang napaulat na may nag-o-operate umanong abortion clinic sa bahagi ng Bulacan.
Naaresto kasi ang mag-ina, isang 47-anyos na nanay at kanyang 20-anyos na anak na babae, sa kanilang tahanan sa Baliuag, Bulacan sa isinagawang entrapment operation ng National Bureau of Investigation-Organized and Transnational Crime Division (NBI-OTCD) dahil sa umano naturang klinika.
Batay sa report, ang mga nagpapatakbo ng clinic ay lantaran umanong nagpo-promote ng kanilang mga services online bilang isang “super safe abortion service”, na kumpleto sa mga naka-post na mga testimonial mula sa kanilang mga satisfied client.
Humihingi raw ang mga ito ng P20,000 para sa kanilang serbisyo, na may bayad pa para sa add-on services.
Ayon kay NBI-OTCD Chief Atty. Jerome Bomediano, nasa P20,000 ang bayad sa serbisyo, pagkaraan ay magtatanong ito kung ang fetus umano ay dadalhin ng kliyente. At kapag sinabing hindi na, nanghihingi sila ng karagdagang P3,000 para sa paglibing ng fetus. Habang may dagdag pang P2,000 naman para sa after medicines. Lumalabas aniyang P25,000 lahat ang sinisingil ng mga ito.
Sa naganap na operasyon, nakuha ng NBI ang marked money at equipment na ginamit sa umano’y abortion services.
Sinabi pa ni Bomediano, may pamamaraan din umano ang mga suspek para iligaw ang mga tantiya nilang otoridad sa pamamagitan ng pag-request sa kanilang mga kliyente na makipagkita sa kanila sa ibang lugar, bago sila samahan o magtungo sa nasabing clinic.
Nahaharap naman ang mga nahuling suspek sa kasong illegal practice of medicine, paglabag sa FDA law, illegal abortion at cybercrime law.
Nakakatakot na may nangyayaring ganitong kalakaran at nagpapatakbo ng isang klinika na sa halip na manggamot ng mga maysakit ay pagseserbisyo pala ng pagpapalaglag.
Kung titingnan ay napakadelikado nito dahil maaaring ang ginagamit na mga tools para sa sinasabing abortion ay posibleng unsanitized. Puwede ring marumi ang mga higaan at paligid ng naturang pasilidad na maaaring magkaroon ng impeksyon o kaya naman ay tetanus.
Dapat sigurong matinding parusahan at ikulong ng mga kinauukulan ang mga mahuhuling nagsasagawa ng abortion dahil sa ganang akin ito ay isang uri na rin ng pagpatay.
Payo natin sa mga kababayan na sana huwag tayong mag-isip o pumasok sa ganyang klase ng gawain. Malaking kasalanan sa Diyos ang pagpapalaglag ng ating magiging mga anak. Hindi ‘yan makatarungan at posibleng maging mitsa pa ng ating buhay.
Sa iba na nakukuhang gumawa ng abortion dahil sa pera, makonsensya na sana at itigil na ang ganitong klase ng masamang gawain. Mas pairalin sana ang gumawa ng kabutihan at mas isipin ang pagtulong sa inyong kapwa.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments