Abogadong si Falcis, sinuspinde ng SC
- BULGAR

- 11 hours ago
- 2 min read
ni Jeff Tumbado @News | June 16, 2026

Photo: Atty. Jesus Falcis - Just The Truth
Sinuspinde ng Korte Suprema si Atty. Jesus Nicardo Falcis III dahil sa paggamit umano ng malaswang pananalita sa isang social media post na tumutukoy sa mga tagasuporta ng aktres at tinaguriang Queen of all media na si Kris Aquino.
Sa inilabas na pahayag ng Office of the Spokesperson ng Supreme Court, naglabas ng desisyon ang Second Division ng Korte Suprema, sa panulat ni Associate Justice Jhosep Y. Lopez, na nagtatakda kay Falcis na guilty sa kasong simple misconduct.
Pinatawan si Falcis ng isang taong suspensyon.
Nag-ugat ang kaso sa isang post ni Falcis sa Twitter (ngayon ay X), kung saan mariin niyang ipinagtanggol ang kanyang kapatid na si Nicko Falcis laban sa reklamong qualified theft na inihain ni Aquino.
Sa naturang post, gumamit umano si Falcis ng mga mapanlait na salita laban sa mga taong umano’y kumakampi kay Aquino.
Dahil dito, naghain ng reklamo si Jason Gene Baltao, dating business partner ni Aquino, sa Integrated Bar of the Philippines (IBP), na inakusahan si Falcis ng asal na hindi angkop sa isang abogado.
Sa kanyang depensa, iginiit ni Falcis ang kanyang karapatan sa malayang pananalita at binanggit ang ilang naunang desisyon ng Korte Suprema na kumikilala sa ilang pagmumura bilang karaniwang pagpapahayag ng galit o pagkadismaya at hindi paninirang-puri.
Gayunman, mariing ibinasura ng Korte Suprema ang naturang depensa.
Binigyang-diin nito na malinaw na saklaw ng Code of Professional Responsibility and Accountability (CPRA) ang asal ng mga abogado, kabilang ang kanilang mga kilos at pahayag sa social media.
Iginiit ng Mataas na Hukuman na bagama’t ginagarantiyahan ng Konstitusyon ang kalayaan sa pagpapahayag, may hangganan ito para sa mga abogado dahil sa kanilang sinumpaang tungkulin bilang mga opisyal ng hukuman.
Pinuna rin ng hukuman ang paggamit ni Falcis sa terminong “dilawan,” na ayon dito ay lalo lamang nagpapalalim sa hidwaang pampulitika sa halip na magtaguyod ng maayos na talakayan.
Dahil nakabinbin pa noon ang kaso, sinabi ng Korte na nagbigay ito ng maling impresyon na maaaring insultuhin ng mga abogado ang kabilang panig at ang kanilang mga tagasuporta.





Comments