top of page
Search
  • BULGAR

Abobo at Cam From Behind kinabiliban sa Metro Turf

ni Green Lantern - @Renda at Latigo |September 13, 2022


Hinangaan sa karerahan ang magkatambal na sina class A rider Kelvin Abobo at Cam From Behind matapos manalo sa 2022 PHILRACOM "Sampaguita Stakes Race" na pinakawalan sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas, Linggo ng hapon.


Inilista ng anak nina Havana at Miss Lemon Drop na si Cam From Behind ang tiyempong 2:07.2 sa 2,000 meter race sapat upang mapanalunan ang P1.2M premyo sa event na suportado ng Philippine Racing Commission (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.


Pangalawang tumawid sa meta si Mommy Caring na nag-uwi ng P450,000, tersero si La Liga Filipina na nagbulsa ng P250,000 habang pumang-apat si Isla Puting Bato na sumungkit ng P100,000.


Pag-aari ni Melaine Habla, tinanggap ng breeder ng winning horse ang P100,000 premyo.


"We have just witnessed a very exciting race with the outcome decided only in the final strides. Expect more of such in the weeks to come as the industry gears up for the big events which is a trademark of every final trimester of the year," saad ni De Leon.


Kalmadong pinalabas ni Abobo si Cam From Behind sa aparato at hinayaan nitong mauna at maglutsahan sa unahan sina Mommy Caring at La Liga Filipina.


Nagmasid lang si Cam From Behind kina Mommy Caring at La Liga Filipina pero pagsapit ng far turn ay nagkapanabayan na sila at nakihalo pa si Isla Puting Bato sa unahan.


Pagdating ng rekta ay nakuha ni Mommy Caring ang unahan, napagtiyagaan naman ni Abobo na itulak at paluin ng latigo si Cam From Behind kaya nakaungos ito pagdating ng meta.


Ayon sa mga kareristang nakasaksi ng laban, mas malaki pa sana ang agwat ni Cam From Behind sa pumangalawang si Mommy Caring kung hindi lang pabuka ang takbo ng winning horse sa rektahan.


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page