9th Pasay Racing Fest aarangkada sa Linggo
ni Green Lantern - @Renda at Latigo |December 8, 2022
Paniguradong magsasaya na naman ang mga karerista dahil ilalarga ang ika-9 na pagtatanghal ng Pasay ‘The Travel City’ Racing Festival sa Linggo sa Metro Turf sa Malvar, Batangas.
Tinatayang 12 karera ang pakakawalan sa Linggo na may kabuuang P2.55-milyong papremyo para sa mga mananalo. Bukod sa mas malaki ang cash prize para sa taong ito ay mas kapana-panabik din ang mga karera na nilahukan ng mga premyadong kabayo sa bansa.
Isa sa tampok na karera ang bakbakan ng 10 tigasing kabayo sa 9th Pasay ‘The Travel City’ Grand Cup kung saan ay kasali ang Robin Hood.
Makakalaban ni Robin Hood ang Kercharmer, Time For Glory, Gusto Mucho, Flattering You, King Tiger, Boom Raider, Blackburn, Gomper Girl at Magnificent Lady sa distansiyang 1,800 meter race.
Nakataya ang P750,000 garantisadong premyo, hahamigin ng mananalong kabayo ang P450,000 sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.
Isa rin sa aabangan ng mga karerista ang 9th Pasay Rep. Tony Calixto Cup na may P500,000 total purse at ang mananalo ay magbubulsa ng P300,000.
Kalahok sa 1,600-meter race ay ang Don Julio, Cupid Song, Basheirrou, Gomezian at Eazacky.
May nakalaang P500,000 premyo rin ang 9th Pasay Emi Calixto-Rubiano Cup na paglalabanan nina Marilag, Downinsideprotection, Bombay Nights, Raintree Starlet, Palibhasa Lalake, Speed Fantasy, American Factor at Sudden Impact. Ito ay itatakbo sa distansiyang 1,600 metro.
Nasa P400,000 ang paglalabanan ng mga kasali sa 8th Pasay Former OIC Duay Calixto Memorial Cup na sina Yabadabadur, Alalum Falls, Sweetie Giselle, Saritorial Elegance, Keep Da Trick, Rendevouz, Orange Bell, Player Andri, Sonic Clay, Swakto power Duo, Gintong Hari, and Light Bearer kung saan ay may distansiya itong 1,600 meter race.





Comments