$95-B tulong ng US sa Ukraine, Israel, at Taiwan, aprub sa Senado

ni Angela Fernando - Trainee @News | February 14, 2024

Aprub na sa Senado ng United States ang $95-bilyong tulong-pinansiyal para sa Ukraine, Israel, at Taiwan.
Ililipat sa House of Representatives ang panukalang usap-usapang malabong maipasa dahil hawak ng Republican ang lower house.
Nagtagal sa Senado ang nasabing panukala dahil na rin sa mga Republican member na naimpluwensiya ng pagtutol ng dating US President na si Donald Trump.
Nagpahayag na ang ilang opisyal na Republican na kanila itong haharangin sa House of Representatives dahil mas makabubuting gastusin para sa seguridad ng border ng US ang $61-bilyong tulong sa Ukraine.
Hinimok ni US President Joe Biden ang Kongreso na maging mabilis sa pagpoproseso ng panukala.
Saad ni Biden, mas magkakaroon ng pangamba sa seguridad ng US kung hindi ito tutulong sa mga bansang pinagmamalabisan ng iba pang mga bansa.
Nagpasalamat naman ang Ukraine President na si Volodymyr Zelenskyy sa mga senador na tumulong upang maipasa ang isinusulong na tulong-pinansiyal para sa kanilang bansa.





Comments