8 natusta sa pabrika

ni Justine Berganio @Overseas News | September 23, 2026

Photo: Circulated _ aacom
Patay ang walong katao habang isa ang sugatan matapos masunog ang isang textile factory sa Foshan City, Guangdong province, China nitong Linggo.
Sumiklab ang apoy alas-3:12 ng hapon sa isang dalawang-palapag na gusali sa loob ng industrial park. Naapula ang sunog makalipas ang halos isang oras at hindi kumalat sa ibang bahagi ng lugar.
Ginagamit ang gusali sa production activities, kabilang ang paghuhugas ng denim fabric. Makikita ang makapal na usok na nagmumula sa gusali habang hindi naapektuhan ang kalapit na mas mataas na building.
Natapos na ang search-and-rescue operation habang iniimbestigahan pa ng mga awtoridad ang sanhi ng sunog.
700 RESIDENTE SA NIGERIA, HOSTAGE NG MGA ARMADO
NAGPROTESTA ang mga residente sa Borgu, Niger State, Nigeria matapos mahigit isang buwan na hindi pa rin natatagpuan ang daan-daang kataong dinukot ng mga armadong lalaki sa magkakahiwalay na komunidad.
Tinatayang 600 katao, karamihan ay babae, bata at matatanda, ang unang iniulat na dinukot noong Agosto 21. Ayon naman sa Borgu Youths Development Association, maaaring umabot sa halos 700 ang kasalukuyang bihag.
Nagtipon ang mga residente mula sa Dekara at kalapit na lugar sa New Bussa upang hilingin sa gobyerno ang agarang pagpapalaya sa mga bihag at pagpapaigting ng seguridad.
Sinabi ni Niger State Information Commissioner Obed Nuhu Nana na nakamobilisa na ang security agencies para sa rescue operation, ngunit wala pa ring malinaw na resulta.
Dahil sa takot sa mga armadong grupo, naapektuhan din ang pang-araw-araw na buhay ng mga residente. Nagsara ang mga tindahan kahit araw ng pamilihan at nahirapan ang mga tao na makapunta sa palengke at healthcare facilities.
Hinihiling naman ng mga residente ang headcount sa mga apektadong barangay upang matukoy ang aktuwal na bilang ng mga nawawala.





Comments