ni Gina Pleñago @News | August 6, 2025

Larawan mula sa PCG
Kinumpirma ng National Bureau of Investigation (NBI) na may pagsabog na naganap sa Puerto Princesa, Palawan kasunod ng pagpapakawala ng rocket ng China, kamakalawa.
Ang pangyayari ay iniulat ng NBI-Puerto Princesa City District Office matapos alamin ni NBI Director Judge Jaime Santiago ang napaulat na pagsabog sa naturang petsa.
Pinangangambahan naman ng mga residente sa Puerto Princesa City matapos makarinig ng malakas na pagsabog mula sa kalangitan sa kanilang lugar.
Inilarawan nilang tunog bilang malalim at sumasalubong o reverberating boom, na unang inakalang may pangyayari sa himpapawid o kaya ay lindol (seismic).
Sa beripikasyon ng NBI-PUERDO, ang pagsabog ay kasabay ng takdang paglulunsad ng rocket ng Tsina na Long March 12, na naganap sa pagitan ng 6:14-6:42 ng gabi mula sa Hainan International Commercial Launch Center sa Wenchang, Hainan Province, China.
Batay sa National Disaster Risk Reduction and Management Council, ang landas ng rocket ay dumaan malapit sa Palawan, na may potential zones ng mga debris na natukoy na humigit-kumulang 21 nautical miles mula sa Puerto Princesa at 18 nautical miles mula sa Tubbataha Reef.
Sa pakikipag-ugnayan sa Philippine Space Agency ay nakumpirma na ang acoustic shockwave ay naaayon sa mga epekto ng atmosphere mula sa high-altitude rocket propulsion and stage separation.
Wala namang naiulat na napinsala o nasaktan ngunit ang insidente ay nagdulot ng pansamantalang alarma, lalo na sa mga barangay sa baybayin.
Pinayuhan ang publiko na iwasang lumapit o humawak sa anumang mga hinihinalang fragment ng rocket dahil sa mga potensyal na lason na residues at manatiling kalmado habang ang mga otoridad ay nagsisikap na pamahalaan ang sitwasyon.