8-M namamatay taun-taon sa yosi, posible pang madoble
ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | February 18, 2022
Alam ba ninyong umaabot na sa walong milyong katao ang namamatay taun-taon sa buong mundo dahil sa paninigarilyo at inaasahang dudoble pa ito sa sa loob ng susunod na walong taon kung hindi maaawat ang marami sa pagkonsumo ng tabako..
Idineklara na ng World Health Organization (WHO) ang World Smoking Boycott Day tuwing ika-9 ng Pebrero upang regular na itong gunitain para itaas at dagdagan pa ang antas ng kaalaman hinggil sa patuloy na paggamit ng tabako.
Ayon sa pinakahuling datos na inilabas ng WHO, nasa 1.3 bilyong katao sa buong mundo ang gumon na sa paninigarilyo at inaasahang tataas pa ito sa 1.7 bilyong indibwal pagsapit ng 2025.
Ang walong milyon katao na nasasawi taun-taon ay karaniwang may edad na 45 pataas sa lalaki at 55 hanggang 64-anyos naman sa babae na karaniwan ay nagkaroon ng tobacco-related disease tulad ng lung cancer, vascular disease, heart disease at respiratory diseases.
Mahigit naman sa isang milyon ang nasawi dahil sa exposure lamang sa usok ng sigarilyo o ‘yung tinatawag na secondhand smoke na nagiging sanhi ng problema sa kalusugan ng sanggol at mga bata dahil sa pagkakaroon ng severe asthma attacks, respiratory infections, ear infections at sudden infant death syndrome (SIDS).
Kalahati ng populasyon sa buong mundo ay exposed sa tobacco smoke ayon sa WHO at tinatayang nasa 70,000 mga bata ang namamatay bago pa sumapit sa edad na limang taon dahil sa respiratory tract infections sanhi ng labis na exposure sa usok ng sigarilyo.
Sa ngayon ay bilyon ang aktibong gumon sa paningarilyo sa buong mundo at mahigit 80 porsiyento sa mga ito ay mas higit na pinaniniwalaan ang walang basehang argumento na hindi masama ang paninigarilyo kumpara sa pahayag ng mga eksperto sa kalusugan.
Sa Pilipinas ay umaabot na sa 110,000 indibidwal ang namamatay sa tobacco-related diseases kada-taon at nasa 21.8% ang lalaking nasasawi ng dahil lamang sa exposure sa usok habang nasa 9.7% naman ang babae.
Mahigit naman sa 23% ang lalaking nasasawi at 12% naman sa babae ang binabawian ng buhay taun-taon dahil sa tahasang paninigarilyo o pag-abuso sa paggamit ng tabako.
Naglabas din ng mga pag-aaral ang WHO na hindi dapat pinagsasabay ang paninigarilyo sa regular na pag-eehersisyo dahil marami umanong gym instructor ang kinukonsinte ang paninigarilyo ng isang nag-eehersisyo dahil sa takot na baka mabawasan ang kanilang kliyente.
Bukod umano sa napakaraming masamang epekto sa katawan ng paninigarilyo, kabilang na ang physical endurance ay nakakabawas umano ito ng oxygen sa puso, baga at muscles. Nagdudulot din umano ito ng pamamaga ng buto, joints na maaaring humantong sa osteoporosis.
Ang paninigarilyo ay nagdudulot din ng mabilis at long-standing effects sa isang nag-eehersisyo, lalo na sa mga nagbubuhat ng mabigat para gumanda ang hubog ng katawan dahil maging ang mga dermatologist umano ay hirap na pigilin ang mabilis na pagtanda o pagpangit ng mukha ng naninigarilyo.
Dumaranas din ng less endurance, poorer physical performance at increased rates of injury and complications ang isang naninigarilyong nag-eehersisyo, kaya mas makabubuting huwag nang manigarilyo kung nais nating mag-ehersisyo.
Sa paghithit ng sigarilyo ay agad na masisinghot ang carbon monoxide—isa sa 4,000 chemical na matatagpuan sa tobacco at 50 sa mga ito ay sanhi ng cancer na humahalo sa red blood cells na nagreresulta sa hindi maayos na daloy ng oxygen patungo sa muscles at iba pang body tissues.
Ito umano ang dahilan kaya tumataas ang lactic acid o substance na nagdudulot ng pakiramdam sa muscle na parang sinusunog, parang namimigat o naninigas, mabigat o hirap sa paghinga at nakararanas ng pananakit sa tuwing matatapos mag-ehersisyo.
Ayon sa pag-aaral ng WHO mas kakaunti umano ang benepisyong nakukuha ng naninigarilyo sa kanyang pag-eehersisyo, hindi rin maayos ang pagtulog, may pagkakataong hirap huminga, mas madaling magkaroonng injury at mas matagal gumaling.
Bukod sa osteoporosis ay posible ring magkaroon ng rheumatoid arthritis ang naninigarilyong nag-eehersisiyo at madalas makaranas ng low back pain, exercise-related injures tulad ng bursitis, tendonitis , sprains at fractures na lahat ay puwedeng magkaroon nang pagbagal sa paggaling.
Kaya huwag tayo basta-basta maniwala sa mga sabi-sabi lang, lalo na ‘yung mga payo ng ilang gym instructor maliban na lamang kung doktor, dahil kung doktor ang magpapayo ay tiyak na kahit hindi nag-eehersisyo ay ipapayo nilang masama ang paninigarilyo.
Alalahanin natin na ang nicotine at carbon monoxide na nakukuha natin sa paninigarilyo ay nagdudulot nang paglapot ng dugo at pagsisikip ng arteries. Ang masikip na arteries ay nakapagpapabagal ng daloy ng dugo patungo sa puso, muscles at iba pang body organs na lalo pang pinahihirap ng pag-eehersisyo.
Posibleng sa unang tingin ay maganda ang benepisyo ng pag-eehersisyo, gumaganda ang iyong hubog, ngunit hindi mo alam na may ilang parte ng iyong katawan ang nahihirapan dahil sa iyong paninigarilyo na maaaring humantong sa iyong pagkasawi.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments