8.5-M COVID-19 cases sa ‘Pinas, ibinabalang mangyari sa katapusan ng hunyo, ingat pa more!
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | April 28, 2021
HUWAG SANA MAGKATOTOO NA PAPALO SA 8.5-M ANG MAGKAKA-VIRUS SA METRO MANILA SA KATAPUSAN NG HUNYO—Nagkatotoo ang projection ng University of the Philippines (UP)-OCTA Research Group na bago sumapit katapusan ng Abril ay nasa isang milyon na ang bilang ng mga nagka-virus sa bansa.
Magdasal tayo, mga kababayan, na sana ay hindi magkatotoo ang isa pang projection ng UP-OCTA na kung hindi makokontrol ng pamahalaan ang pananalasa ng COVID-19 sa bansa ay posibleng sa katapusan ng June 2021 ay papalo sa 8.5 milyon ang maitatalang COVID-19 cases sa Metro Manila lang, hindi pa kasama riyan ang bilang ng mga tinamaan ng COVID-19 sa iba’t ibang panig ng bansa, period!
◘◘◘
PA-EASY-EASY LANG KAYA PUMALO NA SA HIGIT 1-M COVID-19 CASES SA ‘PINAS—Ang nakalulungkot, sa higit 1 milyong nagka-COVID sa Pilipinas, naitalang namatay na sa virus ay higit 16,800 Pinoy.
Mantakin n’yo, nang magpatupad ng lockdown noong March 17, 2020 ang Duterte gov’t. ay 187 pa lang ang COVID-19 cases sa Pilipinas at 14 pa lang naitatalang namatay, na ang akala ng taumbayan na kaya nag-lockdown noon ay gagawa ng paraan ang pamahalaan para hindi lumaganap nang husto sa bansa ang COVID-19, eh, ‘yun pala ay magpapa-easy-easy lang.
Kaya ang resulta, makalipas ang isang taon, mula sa dating 187 na nagka-virus ay mahigit isang milyon na ngayon, at ‘yung 14 na namatay noon ay dami nang nadagdag, higit 16,800 na ang patay, tsk-tsk-tsk!
◘◘◘
KUNG SINUNOD LANG ANG PAYO NG MGA HEALTH EXPERTS TULAD DIN SANA ANG ‘PINAS NG IBANG BANSA SA ASYA NA HINDI GAANONG SINALANTA NG COVID-19—Kung sinunod lang ng Duterte gov’t. ang rekomendasyon noon ng mga health experts na magsagawa ng malawakang mass testing, contact tracing at i-isolate agad ang mga may virus sa mga high-risk areas na may kaso ng COVID-19, hindi sana pumalo sa higit isang milyon ang COVID-19 cases sa bansa.
Ganyan kasi ang ginawang diskarte ng ilang bansa sa Asya tulad ng Vietnam, Singapore, Thailand, Malaysia, Cambodia, Myanmar at Laos kung kaya’t hindi sila gaanong nasalanta ng COVID-19, pero paarogante ang tugon ng Malacañang, na wala naman daw bansang tini-test sa COVID buo nilang populasyon.
Ang linaw ng rekomendasyon, sa mga high-risk areas lang, pero dahil ayaw sundin ang payo, ang palusot na lang ng Malacañang ay hindi puwedeng i-test ang buong populasyon ng Pilipinas, boom!
◘◘◘
PANLILINLANG SA PUBLIKO ANG PANINISI SA COMMUNITY PANTRY SA PAGDAMI NG MGA NAGKA-VIRUS SA ‘PINAS—Isinisisi ngayon ng ilang taong-gobyerno at DDS sa mga community pantry ang pagdami ng COVID-19 cases sa bansa.
Aba, teka lang, ha? Malinaw na panlilinlang ‘yan sa publiko kasi last month ay libu-libo na ang tinatamaan ng virus sa bansa, at patunay d’yan noong Abril, 2, 2021 na 15,310 nagka-COVID, at sa petsang ‘yan ay wala pang community pantry, period!





Comments