76ers, tinuldukan ang pananalasa ng Bucks
ni Anthony E. Servinio @Sports | March 6, 2023

Tinapos ng Philadelphia 76ers ang 16 sunod-sunod na panalo ng numero unong Milwaukee Bucks, 133-130, sa pinakamalaking laro sa NBA kahapon sa Fiserv Forum.
Huling natalo ang Bucks noong Enero 21 sa kamay ng Cleveland Cavaliers, 102-114.
Patungo na sa ika-17 panalo ang Bucks at abante sa third quarter, 95-77, matapos ang three-point play ni Brook Lopez at tres ni Grayson Allen. Nagpabaya ang Milwaukee at humabol ang Philadelphia sa 4th quarter at kinailangan ang tig-dalawang free throw sa huling 25 segundo nina Tyrese Maxey, Joel Embiid at James Harden upang mapreserba ang tagumpay.
Nagtala ng 19 ng kanyang 38 puntos si Harden sa 4th quarter na may kasamang 10 assist at sumunod si Embiid na may 31 puntos at 10 rebound. Kahit bigo, lang ng kalahating laro ang Milwaukee (45-18) sa naghahabol na Boston Celtics (45-19) habang malayong pangatlo ang 76ers (41-22) sa Eastern Conference.
Lahat ng first five at dalawang reserba ng Minnesota Timberwolves ang nagsumite ang 10 o higit na puntos at bumaha ng opensa sa kanilang 138-134 pagwagi sa Sacramento Kings. Nanguna si All-Star Anthony Edwards sa kanyang 27 puntos at sinundan ni Mike Conley na may 24 puntos.
Samantala, nag-ambag ng 12 puntos si kabayan Jalen Green upang tulungan ang bisitang Houston Rockets na manaig sa San Antonio Spurs, 122-110. Wala pang 24 oras ay magkikita muli ang dalawang kulelat ng Western Conference sa tahanan ng Spurs ngayong araw.
Sa ibang laro, sinigurado ng Cavs na hindi sila lalayo sa mga nasa liderato at pinulbos ang Detroit Pistons, 114-90, para sa kanilang ika-40 panalo at pang-apat na puwesto sa East . Iyan din ang layunin ng Miami Heat sa 117-109 tagumpay sa Atlanta Hawks na isa pa lang ang panalo sa tatlong laro sa gabay ng bagong coach Quin Snyder.





Comments