top of page
Pokwang.jpg

76ers no. 1 sa EastCon, Mavs, nakabawi sa 6 na talo

Writer: BULGAR
BULGAR
Feb 5, 2021
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | February 5, 2021





Nanatili sa numero unong puwesto ang Philadelphia 76ers sa NBA Eastern Conference matapos iligpit ang Charlotte Hornets, 118-111, kahapon sa Spectrum Center. Lumamang ang bisitang 76ers ng 26 sa second quarter, 60-34, at ito ay naging sapat para sa kartadang 16-6 panalo-talo.


Pinatunayan ni Joel Embiid kung bakit siya ang Eastern Conference Player of the Month para sa Enero sa 34 puntos at 11 rebound habang nag-ambag ng 26 si Tobias Harris. Ang coach na si Doc Rivers ang napiling Eastern Conference Coach of the Month habang si LaMelo Ball ng natalong Hornets (10-12) ang Eastern Conference Rookie of the Month.


Sumakay ang Milwaukee Bucks sa triple double ni back to back MVP Giannis Antetokounmpo upang patigilin ang Indiana Pacers, 130-110, at umakyat muli sa pangalawang puwesto sa East sa kartadang 13-8. Nagtala ang “Greek Freak” ng 21 puntos, at sinundan ni Bobby Portis na may 18 puntos.


Bumawi ang Los Angeles Clippers mula sa talo sa Brooklyn Nets noong isang araw at ibinuhos ang sama ng loob sa Cleveland Cavaliers, 122-99. Pumukol ng walong tres si Paul George para sa 36 puntos at sinundan ni Kawhi Leonard na may 24.


Nagdiwang ang Dallas Mavericks at nagwakas na ang kanilang anim na sunod-sunod na talo at ginulat ang Atlanta Hawks, 122-116. Bumida sina Luka Doncic na may 27 puntos at Kristaps Porzingis na may 21 puntos at 11 rebound para sa Mavs (9-13) na huling nanalo noong Enero 22.


Kumapit ang New York Knicks sa 4th quarter at magwagi sa Chicago Bulls, 107-103. Nagsumite ng 27 puntos si Julius Randle habang may 20 puntos si Elfrid Payton.


Walang kabang ipinasok ng numero unong scorer ng NBA na si Bradley Beal ang dalawang free throw na may 5.8 segundong nalalabi upang masigurado ang tagumpay ng Washington Wizards sa Miami Heat, 103-100. Nagtala ng 32 puntos si Beal at 13 puntos si Deni Avdija upang umalis ang Wizards (5-13) sa pinakailalim ng Eastern Conference.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page